Si Cong binabaterya na si Gov; naghahanda na sa 2019 polls

INAASAHANG magiging mainit at dikitan ang labanan sa pagka-gobernador sa isang lalawigan sa Luzon.

Ang maghaharap ay mga anak ng dalawang political bigwig sa lalawigan: Ang isa ay anak ng kasalukuyang gobernador na tatapatan naman ng anak ng isang kongresista ngayon na napapaulat namang tatakbo sa pagkasenador sa 2019 elections.

Sinabi ng ating Cricket na dating magkaalyado sa politika sina Gob at si Cong pero nasira ang kanilang pagkakaibigan.

Noon kasing nakalipas na eleksyon ay magkaiba ang sinuportahan nilang kandidato sa pagka-mayor ng capital city ng kanilang lalawigan.

Since then ay hindi na nagkaayos ang dalawa, hanggang sa mabalitaan na lang ni Gob na nagpapatawag ng secret meeting si Cong sa mga mayors sa kanilang probinsya para kunin ang kanilang suporta para sa darating na halalan.

Gusto kasi ni Cong na patakbuhin ang kanyang magandang anak bilang gobernador, samantalang alam naman niyang iniuumang na rin ni Gob ang kandidatura ng kanyang anak na lalaki.

Pakiramdam daw ni Gob ay na-traydor siya ni Cong kung kaya’t gumawa rin ito ng paraan para siraan sa mga local officials sa lalawigan ang mambabatas.

Hindi naman nagpatalo si Cong kaya naghain siya ng resolusyon sa Kamara para imbestigahan ang mga biniling mga sasakyan ng kanilang provincial government na siyempre ay may basbas naman ni Gob.

Habang nagbabangayan sina Gob at Cong ay nagsimula na ring magpakitang-gilas ang kani-kanilang mga anak.

Ang anak ni Cong ay sikat sa social media dahil sa kagandahan at dahil may posisyon rin siya sa lalawigan bilang isang elected official.

Ang anak naman ni Gob ay puro pa-cute lang ayon naman sa aking Cricket, pero hindi ito dapat maliitin dahil sa taglay niya ang apelyido ng isang kilalang political kingpin sa bansa.

Ang mga opisyal na nagbabangayan ngayon dahil sa nalalapit na paglalaban sa pulitika ng kanilang mga anak ay sina Gov. M….as in Market at Cong. F….Ferrari.

Read more...