BILANG isa sa mga miyembro ng Metro Manila Film Festival Executive Committee, ipinaliwanag ni Lipa City Rep. Vilma Santos-Recto ang bagong criteria para sa walong pelikulang mapipili bilang official entries sa nalalapit na MMFF this year.
Nakasaad sa bagong patakaran ng MMFF Execom na apat sa makakapasok ay kukunin batay sa script at apat na finished films. Pero iba-iba ang naging pagtanggap at pananaw ng mga taga-industriya sa bagong criteria ma ito.
Inilatag daw sa table lahat ng issue concerning sa mga pelikulang pipiliin nila para fair sa lahat. Agree sila na hindi naman pwedeng walang mainstream movies na isasali lalo pa’t December sila ipalalabas.
“Talagang dapat lang na meron talagang pelikulang pambata at pampamilya. Pero at the same time, hindi rin nila tinatanggal na kailangan din naman merong indie films na pwedeng makapasok. Kaya dalawang bagay ang ginawa,” lahad ni Cong. Vi.
Ang unang napag-usapan daw ay pwede ka nang matanggap even through the submission of the script. Nu’ng una raw kasi kailangan ‘yung buong pelikula ang tatanggapin.
“Pero napag-usapan, nagkaroon ng compromise na puwedeng sa script pa lang, ‘yung takbo ng istorya, or ‘yung theme, or ‘yung concept, pwede ka nang matanggap. And then, ‘yung second na pupuntahan nito, second decision is the screening na. Kailangan merong may go signal at approval ‘yung screening na at ‘yung makikita na rin ‘yung kabuuan ng pelikula. Para magkaroon lang ng kasiguraduhan na maging fair na sa lahat,” esplika pa ni Cong. Vi.
Itinanggi ni Cong. Vi na mas pinapaboran ng komite ang mainstream producers sa binuo nilang pamantayan nang pagtanggap ng pelikulang papasok sa MMFF this year.
“Remember what happened the last time? Last Metro Manila filmfest? Parang nabura ‘yung mainstream films, puro indie lang ang nakalabas. So, kaya nga nila inilabas ito ay para malinaw na walang pinapaboran. I guess, at the end of the day, what’s important is unang-una ‘yung pelikula that will entertain family and children,” say pa niya.
Inamin din ng kongresista that whether we like it or not, business pa rin ang movie industry. At marami rin daw ang beneficiaries ng kikitain sa MMFF kaya importante talaga na kumita ng malaki ang mga pelikulang kasali sa filmfest.
Si Cong. Vi ang representative ng Kongreso sa MMFF Execom kung saan pinalitan niya si Cong. Alfred Vargas ng 5th Distrcit ng Quezon City. Pinadalhan daw siya ng letter kung saan iniimbita siya to join the committee and she said yes right away, “Baka naman may maitulong ako o makapagbigay ng opinion sa konti kong nalalaman and experience na rin bilang public servant,” ani Cong. Vi.
Isa pang factor why she accepted the invitation ay dahil nami-miss na niya ang showbiz and the people in the business. Through meetings, magkakaroon siya ng chance na makita ulit ang mga long-time friends niya sa industriya. Hitting two birds with one stone ang peg, di ba?
***
Hindi naman dapat mag-alala ang fans ni Cong. Vilma Santos-Recto na baka hindi na siya makagawa ng pelikula for MMFF. Kung papalarin daw na mabigyan ng chance na makasali sa isang filmfest movie, she will definitely inhibit herself sa execom. But definitely, hindi ‘yun mangyayari this year.
Paulit-ulit na sinabi ni Cong. Vi sa aming interbyu how she misses showbiz. Kaya lang kung makakagawa man daw siya ng pelikula, e, isa lang talaga ang kaya niya. Kasi nag-aaral pa raw siya bilang legislator. Iba raw kasi ang mundong dinaanan niya bilang executive sa lalawigan ng Batangas.
Ang huling nakausap niya for a possible movie project ay si Bb. Joyce Bernal na direktor niya sa huli niyang pelikula na “Everything About Her” kung saan umani na siya ng more than four awards. May tinatapos daw na script si Direk Joyce, hindi lang niya sure kung ‘yun na ‘yung sa movie na gagawin nila ni Judy Ann Santos.
At the same time, willing pa rin daw siyang gumawa ng indie movie basta maganda ang script. Sad lang kami dahil mukhang hindi na gagawin ni Cong. Vi ang movie na inalok sa kanya ng direktor na si Mike de Leon tungkol sa buhay ni Dona Sisang ng LVN Pictures. Nasa wishlist din niya ang makapag-produce ng movie at buhayin ang kanyang VS Films movie production.
At sa dinami-dami na ng karakter na nagawa niya, nagulat kami to find out that she still wants to do one particular role sa pelikula, “Gusto kong gumanap ng Muslim,” sambit niya. “Hindi ko alam. Basta.
Siguro nakikita ko lang kung ano’ng klase ng buhay na meron tayo ngayon, ‘yung buhay ng mga kapatid nating Muslim.”