Libu-libong mga estudyante nabiyayaan ng ‘Lingkod Kapamilya: Gusto Kong Mag-Aral’

lingkod kapamilya

TINATAYANG 100,000 mag-aaral mula Luzon hanggang Mindanao ang mabibigyan ng bag at mga gamit pang-eskwela sa proyektong “Gusto Kong Mag-Aral” ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya – Operation Sagip katuwang ang iba pang Pinoy na nais tumulong sa mga estudyante ngayong pasukan.

Ayon kay ABS-CBN Lingkod Kapamilya-Operation Sagip director Jun Dungo, layunin ng proyekto ang matulungan ang mga mag-aaral sa elementarya sa buong Pilipinas, lalo na sa mga lugar na laganap ang kahirapan at madalas tamaan ng mga kalamidad.

“Hindi natatapos sa pagsagip at pagdala ng relief goods ang malasakit ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya sa ating mga kababayan. Isa ang proyektong ito sa ating mga pamamaraan upang matulungang makabangon at magkaroon ng magandang kinabukasan ang ating mga kabataan, lalo na ‘yung mga gusto talagang mag-aral. Kami ay lubos na nagpapasalamat sa walang sawang tumutulong para sa kabutihan ng ating mga mamamayan” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, mahigit 1,300 estyudyante na ang nabigyan ng mga bagong gamit pang-eskwela sa Hermosa Elementary School at Orani North Elementary School sa Bataan. Samantala, patuloy ang pamimigay ng mga bag sa Catanduanes, Pampanga, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Cagayan de Oro, Bukidnon, Compostela Valley, Nueva Ecija, Isabela, Nueva Vizcaya, Kalinga, Bulacan, Quirino at Ilocos Norte.

Ganu’n din sa Benguet, Aurora, Zambales, Batangas, Mindoro, Laguna, Quezon, Pangasinan, Iloilo, Antique, Capiz, Aklan, Bohol, Cebu, Samar, Leyte, Lanao del Norte at Zamboanga del Norte.

q q q

Isa na sa mga unang nabiyayaan ng “Gusto Kong Mag-Aral” project si Nadnad, na inspirasyon ang kanyang mga magulang na isang labandera at isang janitor sa kanyang pagsisikap mag-aral. “Pangarap ko po na makatulong sa aking mga magulang,” aniya sa isang panayam sa TV Patrol.

Si RJ naman, na nasa Grade 1 na sa Orani North Elementary School, nag-rerecycle ng mga lumang notebook para magamit sa darating na pasukan. Kwento ng kanyang ina, hirap sila sa pang-gastos dahil limang buwan nang nagda–dialysis ang tatay ni RJ. Gayunpaman, desidido raw ang anak na maging doktor. “Promise po na pagbubutihan ko pa ang pag-aaral ko,” pangako ni RJ na masaya ring nakatanggap ng school bag.

Ang mga kabataang tulad ni Nadnad at RJ ang patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa mga tao sa likod ng proyektong “Gusto Kong Mag-aral” ng ALKFI na pinangungunahan ng Operation Sagip. Panoorin ang iba pang kwentong ng malasakit at kabutihan ng mga Pilipino sa TV Patrol, Lunes hangang Sabado ng gabi sa ABS-CBN.

Read more...