SA kanyang column na Wacky Leaks, sinabi ng aking kasamahang kolumnista sa Bandera na si Den Macaranas na may isang opisyal ng gobiyerno na kumuha na ng PR upang paghandaan ang kanyang pagkampanya sa pagka-senador sa eleksiyon ng 2019.
Sinabi pa ng Ka Den (“Ka” short for kasama) na ang pagkuha ni “Mr. Officer” ng public relations firm ay upang mapabango muli ang kanyang pangalan matapos ang mga ginawang kapalpakan ng kanyang mga tauhan.
Bakit hindi na lang diretsahang sabihin ni Ka Den na ang tinutukoy niyang opisyal ay si Director General Ronald “Bato” dela Rosa?
Tutal makapal naman ang mukha ni Bato.
Ang tapang ng apog ng ating Philippine National Police (PNP) chief na gustong maging senador gayong siya na yata ang pinaka-inutil na naging hepe ng pambansang pulisya.
Sa ilalim ng pamamahala ni Dela Rosa, ang PNP ay lalong lumubog sa putik sa kawalan ng disiplina.
Totoong bumaba ang kriminalidad sa bansa pero hindi dahil sa kanya kundi dahil sa takot ng mga kriminal at drug dealers kay Pangulong Digong.
Ang mga pagsalvage sa mga durugistang kriminal ay hindi pag-uutos ni Bato kundi ni Digong.
Parang tau-tauhan lang naman si Bato at nagsisilbing komiko o clown ni Digong.
Hindi naman ginagalang si Bato ng kanyang mga tauhan.
Katunayan, mas maraming abusadong pulis ngayon kesa noong mga panahon ni Leonardo Espina, halimbawa, dahil wala silang takot at respeto sa kanyang liderato.
Kung may takot ang rank and file kay Bato, bakit nagawa nilang kidnapin at patayin sa loob mismo ng Camp Crame at malapit pa sa “White House”– ang official residence ng PNP chief– ang negosyanteng Koreano na si Jee Ick Joo?
Bakit pinatay ng mga pulis sa loob mismo ng kulungan ang drug lord na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa?
Di ba garapal ang pagkagawa ng pagsalvage kay Espinosa at hindi man lang gumawa ng magandang scenario?
***
Sinabi ni Ka Den sa kanyang column sa Bandera noong Miyerkoles na pinahiram si Bato ng kanyang kaibigan ng isang bullet-proof SUV na kanya ngayong ginagamit sa out-of-town trips.
Alam kaya ni Pangulong Digong ito?
Tinanggihan ni Mano Digong ang alok ng billionaire tycoon na si Ramon Ang na Gulf Stream jet na para sa kanyang paguwi-uwi sa Davao dahil siya’y sumasakay lamang ng passenger jetliner.
Ang jet ay nagkakahalaga ng $22 milyon hanggang $65 milyon na puwedeng gamitin sana ng mga papalit kay Mano Digong kapag natapos na ang kanyang termino.
Kung ang kanyang among si Digong ay tumanggi ng jet aircraft, bakit hindi tinanggihan ni Bato ang isang SUV na pinahihiram sa kanya?
Yamang ginagaya ni Bato si Manong Digong sa pagmumura, bakit hindi rin niya gayahin ang pagiging simpleng pamumuhay ng kanyang amo?
***
Walang dapat ikabahala sa martial law na ibinaba sa Mindanao kung ikaw ay hindi terorista o kriminal.
Ang pagsanib puwersa ng Maute group at Abu Sayyaf sa Marawi City at paggawa ng kaguluhan ng mga ito sa Marawi City ang naging dahilan upang isailalim ang Mindanao sa kapangyarihan ng Batas Militar.
Malala ang sitwasyon sa Mindanao dahil sa nangyayari sa Marawi City.
Pinaikli ng Pangulo ang kanyang official visit sa Russia dahil sa kaguluhan sa Marawi City.
Kung ikaw ay naninirahan sa Mindanao ay dapat pa ngang isipin mo na ligtas ka sa kapahamakan dahil sa dami ng mga unipormadong sundalo at pulis sa kalye.
***
Sinabi ni Mano Digong na magiging marahas siya sa mga Morong pasaway.
Ang katagang “marahas” ay isang understatement.
Kung napatino ni Pangulong Erap noon ang mga Moro nang sakupin ng government troops ang Camp Abukakar, na headquarters ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay dapat matakot ang mga pasaway na Moro kay Digong.
Dapat nilang tandaan ang nangyari sa mga kriminal at drug pushers sa Davao City noong mayor pa si Digong.
Dapat nilang alalahanin ang pagbomba ng mosque sa Davao City matapos mabomba ang San Pedro Cathedral noong si Digong ay bagong mayor ng siyudad.