Libu-libu katao na umano ang lumikas sa Marawi City sa gitna ng madugong sagupaan ng mga tropa ng pamahalaan at grupong may kaugnayan diumano sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), ayon sa mga 0toridad.
Nasa 800 evacuee lang ang nakikisilong sa Lanao del Sur provincial capitol at sila ang pinaniniwalaang naiwan sa lungsod, sabi ni Myrna Jo Henry, information officer ng Autonomous Region in Muslim Mindanao government’s Humanitarian Emergency Action and Response Team (ARMM-HEART).
Si ARMM Vice Gov. Haroun Alrashid Lucman Jr. ang nagbigay ng bilang ng evacuees sa kapitolyo at nag-ulat na marami nang lumabas ng lungsod, sabi ni Henry nang kapanayamin sa telepono.
“In the words of our vice governor, mistulang ghost town na ‘yung Marawi… Kung ganoon na ‘ghost town’ na ang description, probably thousands na,” aniya.
Ayon kay Henry, simula pa Miyerkules ng umaga’y nakatanggap na ang ARMM-HEART ng ulat tungkol sa “exodus.”
“Ang report sa amin kaninang umaga and ngayong hapon, parang may march out of the city. Maraming naglalakad palabas, then maraming sasakyan sa kalsada, tapos maraming checkpoint,” aniya.
Marami sa mga lumabas ng lungsod ay patungo umano sa Iligan City, Lanao del Norte, habang ang iba’y nagtungo sa mga kamag-anak sa mga bayang nakapaligid sa Marawi.
Sinabi ni Henry na Miyerkules lang nakapagpadala ng ilang tauhan ang ARMM-HEART sa Marawi, matapos payagan ng mga ahensiyang pangseguridad na ma-assess ang sitwasyon.
Ang iba pang miyembro ng ahensiya’y naghahanda ng relief goods sa bayan ng Malabang at iba pang lugar, aniya.
Patay di bababa sa 3, sugatan 12 na
Dahil sa mga sagupaang nagsimula pa noong Martes, di bababa sa tatlo ang nasawi at 12 ang nasugatan sa hanay pa lamang ng mga tropa ng pamahalaan, ayon sa mga awtoridad.
Kabilang sa mga napatay ang police officer na si Senior Insp. Freddie Solar, ayon sa ulat ng ARMM regional police office.
May nasawi ring dalawang sundalo at 12 pang tropa ng pamahalaan ang nasugatan, sabi ni Colonel Edgard Arevalo, hepe ng Armed Forces public affairs office.
Kabilang sa mga nasugatan sina PO3 Jeffrey Mayos at PO2 Bele Tayaban, kapwa ng PNP Special Action Force, ayon sa regional police.
Biniberipika pa ng mga awtoridad ang ulat na nasawi rin ang dalawang di pa kilalang tauhan ng Marawi City Police at isang Insp. Placido.
“We have also received reports of the death of some Maute members, and the death of some civilians which we are still validating right now,” sabi naman ni Lt. Gen. Carlito Galvez, hepe ng AFP Western Mindanao Command.
Bukod sa mga paglikas at casualty, nauwi rin ang mga sagupaan sa pagkasunog ng Senator Ninoy Aquino College, Dansalan College, city jail na pinamamahalaan ng Bureau of Jail Management and Penology, at Cathedral of Maria Auxiliadora o Cathedral of St. Mary, ayon sa regional police.
Pari, 3 pa hinostage
Miyerkules ng hapon ay “hostage” pa ng Maute group sina Fr. Chito Suganob, Ma. Louisa Colina, Wendelyn Mayormita, at Crispina Banrang, ayon sa pulisya.
Tinangay ng mga kasapi ng Maute group sina Suganob mula sa Cathedral of St. Mary, ayon sa pamunuan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
“Members of the Maute fighting group forced their way into the cathedral, taking with them Fr. Chito and others as hostages. They have threatened to kill the hostages if the government forces unleashed against them are not recalled,” sabi ni CBCP president at Lingayen-Dagupan archbishop Soc Villegas sa social media.
Inihayag naman ni Marawi Bishop Edwin de la Peña sa CBCP news website na isang lalaking nagpakilala bilang kasapi ng ISIS ang tumawag sa kanya Martes ng gabi, at humingi ng “unilateral ceasefire.”
“They want a ceasefire and for the military to give them access out of Marawi. Otherwise, they will kill the hostages,” ani De la Peña.
Ayon sa obispo, nasa labas siya ng Marawi nang maganap ang pagdukot, at nalaman na lang hatinggabi na sinunog ang katedral at kanyang tahanan.
Bakbakan tuloy, Maute nakakalat
Sa isang kalatas na inilabas alas-11 ng gabi Martes, sinabi ni Arevalo na “stabilized” na ang sitwasyon sa Marawi.
Pero nabatid sa field reports Miyerkules na may mga nagaganap pang palitan ng putok sa iba-ibang bahagi ng lungsod.
“As of 6 a.m., gun fires between government forces and local terrorists are still observed but [are] less in frequency,” ayon sa ulat ng ARMM regional police.
Nagpadala na ang ARMM regional police headquarters at Army 6th Infantry Division ng mga sundalo’t pulis na tutulong para ibalik ang kaayusan sa Marawi.
“Rest assured that the situation in Marawi City is already contained. With the deployment of additional forces, it is only a matter of time before we take all these evil doers down,” sabi naman ng Department of National Defense.
Noong Martes, sinabi ng Army 1st Infantry Division na naglunsad ito ng operasyon laban sa 10 hanggang 15 kasapi ng Maute “core group” sa Brgy. Basak Malutlut kaya nagkaroon ng bakbakan.
Pero lumalabas sa field reports kahapon na may iba pang kasapi ng grupo na namataan sa 11 sa 96 barangay ng Marawi.
Namataan ang mga kasapi ng Maute group di lang sa Basak Malutlut, kundi pati sa Brgys. Bangon, Datu Saber, Tuca, Banggolo, Datu Naga, Moncado Colony, Calocan, Marinaut, Mapandi, and Matampay, ayon sa regional police.
MOST READ
LATEST STORIES