Liderato pag-aagawan ng Star, Meralco

Star Hotshots, PBA

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. NLEX vs
Alaska
7 p.m. Star vs Meralco
Team Standings: Meralco (7-2); Star (7-2); San Miguel Beer (6-2); Barangay Ginebra (6-2); TNT KaTropa (7-3); Rain or Shine (5-4); Alaska (4-4); Phoenix Petroleum (4-6); GlobalPort (3-6); Mahindra (3-7); Blackwater (2-7); NLEX (0-9)

SA kasalukuyang elimination round ng PBA Commissioner’s Cup, ito na marahil ang pinaka-importanteng laban para sa Star Hotshots at Meralco Bolts.
Maghaharap ang Star at Meralco ganap na alas-7 ng gabi at ang mananalo ang mananatili sa unahan na may 8-2 baraha at ang matatalo ay makakatabla sa ikaapat na puwesto ang TNT KaTropa na may 7-3 kartada.
Itataya ng Star ang tatlong sunod na panalo nito matapos huling mabiktima ang TNT KaTropa noong Mayo 10, 107-97, habang aasam ang Meralco na makabawi sa kabiguang natamo kontra GlobalPort, 86-94.

Habol din ng Hotshots at Bolts na magtapos sa top two spots na may bitbit na twice-to-beat advantage papasok sa playoff round.
Bukod sa Star at Meralco, may tsansa din ang San Miguel Beer, Barangay Ginebra at TNT
KaTropa na magtapos sa top two at makakuha ng twice-to-beat edge sa susunod na round.

Sa unang laro naman ay magsasagupa ang wala pang panalong NLEX at Alaska.
Bagaman wala nang pag-asa pang umusad sa susunod na round ang Road Warriors ay maaari pa rin itong maging balakid sa puntirya ng Aces na masungkit ang ikalimang panalo sa siyam na laban.
Sa ngayon, ang Alaska ay nasa ikapitong puwesto at may 4-4 kartada. Nais nitong umangat sa team standings para makaiwas sa ikapito at ikawalong puwesto na siyang mga makakatapat ng top two teams sa playoff round.

Pero pagkatapos ng NLEX ay makakasagupa ng Alaska ang San Miguel at Star para sa kanilang huling dalawang laban sa elims. —Angelito Oredo

Read more...