PARA sa mga kababayan natin ay mas nakaaalarma ang pananahimik ngayon ni Kris Aquino.
Hindi na kasi bago ang kanyang pag-iingay, ang dati nang maingay ay hindi na ikinagugulat, ang kanyang pananahimik ang kinukuwestiyon.
Dahil mukhang nabulilyaso ang kanyang Hollywood dream ay may iba na namang pinagpipistahang isyu sa kanya ngayon. May nagpalutang ng kuwento na matindi ang panghihimok sa kanya ni Mayor Herbert Bautista na tumakbo siyang mayor ng Quezon City.
Maraming kunsiderasyon na dapat pahalagahan tungkol sa umalsang balita. Una, maganda ang relasyon ni Mayor Bistek at ng mga Belmonte, kakalas na ba ito ngayon sa pagsuporta nila sa isa’t isa?
Ikalawa, nagtanim na nang mahabang panahon sa siyudad si Vice-Mayor Joy Belmonte, maraming taon na itong nagtatanim-naglilingkod sa mahal nilang lunsod, makaya kaya itong pataubin ni Kris kung sakali man?
Baka naman palutang-pampulitika ang lumabas na balita, ngayon pa lang ay naggigirian na ang mga gustong makaokupa ng posisyon sa pamahalaan, malay naman natin kung may sumisira lang sa magandang samahan ni Mayor Herbert Bautista at ng pamilya Belmonte?
Huling termino na ito ng aktor-pulitiko bilang mayor ng Kyusi, si Vice-Mayor Joy na ang matunog na kakandidato para mamuno sa siyudad, kaya malaking panggulo lang ang pagpasok ng pangalan ni Kris Aquino sa eksena.