Sa halip na ibaba ang edad ng mga bata na maaaring parusahan sa paggawa ng krimen, inaprubahan ng subcommittee ng House committee on justice kahapon ang panukala na magpapataw ng parusa sa mga pabayang magulang at gumagamit sa mga bata sa paggawa ng krimen.
Ayon sa chairman ng subcommittee on correctional reforms na si Misamis Occidental Rep. Henry Oaminal hindi na ibaba ang edad na 15-anyos pero aamyendahan ang Juvenile Justice law upang maging epektibo ito.
Walang tumutol sa pagpasa ng panukala pero nag-abstain si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate.
Sa ilalim ng inaprubahang substitute bill, ang mga tao, maging kanilang magulang o miyembro ng sindikato, na gagamit sa mga 15-anyos pababa sa paggawa ng krimen ay parurusahan ng pagkakakulong na 12 hanggang 20 taong, kung ang krimen na ginawa ng bata ay may kaparusahang anim na taong pagkakakulong pababa.
Kung higit sa anim na taon ang parusa sa ginawang krimen, ang mga gumamit o nag-udyok sa bata na gumawa nito ay maaaring hatulan ng habambuhay na pagkakakulong.
Ang mga 15-anyos pababa na gumawa ng krimen ay maaari namang ikulong sa Bahay Pag-Asa na ilalagay na sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development. Ang mga bata ay isasailalim sa community based intervention program at hindi itatratong o tataguriang kriminal sa paniwala na sila ay biktima lamang.
Kung nagdesisyon ang social welfare official na maaaring ibigay sa kanyang mga magulang ang batang nagkasala, sasailalim ang mga magulang sa parenting seminar at counseling upang magabayan ang bata
Kapag napatunayan na hindi napatino ang bata sa rehabilitation program, kapag umabot na siya sa edad na 18 ay lilitisin na siya sa nagawang krimen at kapag napatunayang nagkasala ay ililipat sa regular na kulungan.
Ikinatuwa naman ni Taguig City Rep. Pia Cayetano ang pagpasa sa substitute bill na susi umano upang masolusyunan ang isyu ng paggamit ng mga bata sa paggawa ng krimen dahil hindi naparurusahan ang mga ito.
“Kasi yan ho ang naging daing, yan ang naging problema ng ating law enforcers at barangay captains, na to the point na winagayway sa harap nila, ng mga bata, ang kanilang birth certificate, dahil alam nilang hindi sila pwedeng ikulong if they are under the age of fifteen. So ang inaaddres po natin ngayon is, hindi man namin kayo isu-subject sa criminal responsibility, you still are responsible for it,” ani Cayetano.
MOST READ
LATEST STORIES