KASAMA na si Milan Melindo bilang isa sa mga natatanging Filipino boxing champion sa kasalukuyan.
Ito ay matapos na tuluyang burahin ni Melindo ang mga masaklap na kabiguan sa mga naunang world title bout sa pagtala ng matinding unang round na knockout na panalo kontra Akira Yaegashi ng Japan sa kanilang International Boxing Federation (IBF) light flyweight title fight na ginanap Linggo ng gabi sa Ariake Colosseum sa Tokyo, Japan.
Tatlong beses na pinabagsak ng 29-anyos na si Melindo, na mula sa ALA boxing stable sa Cebu City, ang kalabang Hapones upang lehitimong tanghalin na kampeon at opisyal na isukbit ang pinakaaasam nito na championship belt bilang bagong hari sa IBF light flyweight division.
Isang left hook ang agad napatama ni Melindo kontra sa Japanese champion sa unang minuto pa lamang ng unang round upang agad pabagsakin ang kalaban. Muli nitong pinakawalan ang katulad na suntok upang pabagsakin ito sa ikalawang pagkakataon.
Tuluyang tinapos ni Melindo ang kalaban sa 2:45 marka ng unang round sa magkasunod na matutulis na kaliwa at kanan na kombinasyon upang puwersahin ang referee na si Eddie Hernandez ng United States na itigil na ang sagupaan.
Napaganda ni Melindo ang kanyang ring record sa 36-2 (13 knockouts) sa pagsungkit sa titulo na tuluyang tumabon sa mga kabiguan sa world title fight kontra Juan Francisco Estrada noong 2013 at Javier Mendoza noong 2015.
Bunga ng pagkatalo, bumagsak si Yaegashi sa 25-6 panalo-talong karta na may 13 knockout.
Nakihanay din ang mula Cagayan de Oro na si Melindo sa mga kasalukuyang kampeon ng Pilipinas na sina Manny Pacquiao (WBO welterweight), Jerwin Ancajas (IBF junior-bantamweight) at Donnie Nietes (IBF flyweight).