IPINAGPALIBAN ng Commission on Appointments (CA) sa ibang mga araw ang confirmation nina Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo, Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano at Health Secretary Paulyn Ubial dahil sa kakulangan ng oras.
May isang isyu na dapat tukuyin kung ipagpapaliban ang secret balloting sa pagkumpirma ng presidential appointees batay sa panukala ni Sen. Bam Aquino.
Sinabi ng aking sources sa CA na hindi mahihirapan ma-confirm sina Taguiwalo at Mariano sa susunod na sesyon ng Mataas at Mababang Kapulungan.
Pero mahihirapan daw na makumpirma si Ubial.
Ang isyu lang na laban kina Taguiwalo at Mariano ay ang kanilang pagiging mga lider ng grupong makakaliwa, kung tatanungin ang ordinaryong mamamayan, ito ay hindi isyu.
Pero ang mga isyu ng corruption at incompetence laban kay Ubial, na assistant secretary ng Department of Health bago siya nahirang na pinuno nito, ay binibigyan ng malaking pansin ng mga senador at kongresista na miyembro ng CA.
Isa sa mga isyu na mahirap maipaliwanag ni Ubial ay ang kanyang pagpunta sa Cuba matapos siyang mahirang na health secretary at nagdala pa ng malaking de-legasyon na kasama ang kanyang asawa at anak.
Isa pang isyu laban sa kalihim ng kalusugan ay ang kanyang utos na huwag kunin ang mga lubhang mga kailangan na dengue vaccines dahil may kompromiso na raw ito sa isang dealer na distributor ng vaccine na pang-pneumonia.
Binawi niya ang kaniyang kautusan matapos maraming experts ng kalusugan na nagalit sa kanya.
May ginawa pang isang kapalpakan itong si Ubial: Ipinakalat niya ang mga condoms sa mga batang mag-aaral, pero tumigil siya nang maraming nagalit.
Pumunta rin si Ubial sa Qatar upang diumano’y dumalo sa inauguration ng Filipino hospital doon, pero may nakapagsabing source sa inyong lingkod na personal ang dahilan ng kanyang pagpunta dahil isa raw siya sa mga may-ari ng nasabing ospital.
In the unlikely event na ma-confirm si Ubial ng CA, para na ring itinapon sa mga asong ulol ang Kagawaran ng Kalusugan.
***
Nagtatatalon na parang mga unggoy kapag natutuwa ang mga may-ari ng mga kum-
panya ng mina nang hindi kinumpirma ng CA si Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez.
Isa siguro sa mga nagtatatalon na parang unggoy ay ang may-ari ng malaking nickel mining operation sa Brookes Point, Palawan.
Ipinatigil ni Gina ang mining operation sa Brookes Point dahil
sinisira diumano nito ang paligid ng mining operation.
Pero nang bumaba si Gina bilang pinuno ng Department of Environment and Natural Resources, itinuloy ng kumpanya ang pagmimina sa lugar.
At hindi lang iyan: Pinagpuputol pa ng mining company ang mga malalaking puno sa gubat na nakapaligid sa minahan.
Ang may-ari ng minahan na isang Tsinoy ay dapat pagbabarilin gaya nang ginagawa sa mga drug pushers at drug dealers.
Ang paninira ng kalikasan ay paninira ng kinabukasan ng mga darating na henerasyon.
***
Masakit ang nangyari sa Isdaan restaurant sa Gerona, Tarlac matapos mag-viral ang isang post sa social media na nanakawan ang isang customer ng restaurant sa kanyang van na nakaparada sa parking lot ng Isdaan.
“Naapektuhan ang aking negosyo dahil sa post na nag-viral. Kung mapapatunayan niya na nawalan siya ng P50,000 o P60,000 na sinasabi niya, isosoli ko ang pera,” ani Rod Ongpauco, may-ari ng Isdaan.
Gumawa ng official report ang Gerona police station sa insidente.
Sinabi ng pulisya ng Gerona na hindi interesado ang may-ari na diumano’y nawalan na maisoli sa kanya ang malaking halaga.
“Hindi mahalaga sa akin ang P50,000 o P60,000 na na-withdraw ko sa bangko. Marami akong pera, mas mahalaga ang oras ko.
Wala akong oras sa mga kaso-kaso sa korte. Marami akong kamag-anak at meron akong online business at magba-viral itong nangyari sa akin,” sabi diumano ni Karen Phoebe Cruz sa mga imbestigador.
May comment lang ang inyong lingkod sa sinabi ni Cruz: Kung kawi-withdraw lang niya ng malaking halaga, bakit hindi alam ang eksaktong halaga? Bakit nilagay niya sa P50,000 o P60,000 ang nawala sa kanya?
Di ba nakakaduda ang tinurang yun ni Cruz?