SA finale episode last Friday ng fantaseryeng Encantadia sa GMA Telebabad, mukhang may plano ang produksyon na gawan ito ng sequel.
Bitin kasi ang ending ng serye, at maraming mga bagong karakter ang ipinakilala sa huling episode ng programa, kaya malamang na may continuation pa ito.
Bukod sa pagbabalik ni Ynang Reyna Minea (Marian Rivera), ipinakita rin ang sorpresang pagdating ni Raquim (Dingdong Dantes), pati na rin ni Vish’ka (Conan Stevens).
Ito’y para saksihan ang kasal nina Danaya (Sanya Lopez) at Aquil (Rocco Nacino) na pinangunahan ni Bathalumang Cassiopea (Solenn Heussaff). Dahil dito, ibinigay na ni Danaya ang kanyang trono kay Alena (Gabbi Garcia) bilang bagong Hara ng Lireo.
Bukod dito, naganap din ang pag-iisang-dibdib nina Pirena (Glaiza de Castro) at Azulan (Marx Topacio).
Pinayagan din ni Emre si Amihan (Kylie Padilla) para maging ivtre muli kaya naman nabigyan uli siya ng pagkakataon na makita muli si Ybrahim (Ruru Madrid). Kasabay nito, ipinakilala na ni Cassiopea kay Ybrahim ang isang bata na mula sa kanyang dugo, sa buhok ni Lira at sa abo ni Amihan. Siya’y tatawaging Cassandra.
Natuwa naman ang mga Encantadiks nang isilang ng mga Sang’gre ang kanilang mga anak na magiging tagapagmana ng kanilang kapangyarihan at para ipagpatuloy ang pangangalaga sa kaharian ng Lireo.
Ngunit sa isang eksena sa finale episode ng Encantadia, ipinakitang may kakambal pala si Cassiopea, ang reyna ng yelo kausap ang kanyang alagang kuwago. Pagbabanta nito, “Huwag kang mag-alaala aking alaga, nalalapit na ang pananakop ko sa lupain ng mga enkantado.”
Sa inilabas ng datos ng AGB NUTAM, nakakuha ang Encantadia ng 13.8% national TV rating habang nakapagtala naman ng 11.1% ang kalabang programa sa kabilang network.
Bukod dito, nag-trending din sa Twitter (worldwide) ang hashtag na #IvoLiveEncantadia para sa finale episode ng Kapuso fantaserye.