‘Superstars’ masisibak sa Philippine volleyball team

PINAHALAGAHAN ng national men’s at women’s coaching staff ang pagmamahal sa bansa at salitang “commitment” para magsilbi sa bayan kung kaya inaasahan na ilang tinaguriang “superstars” ang hindi mapapasama sa pambansang koponan na tuluyang ihahayag ang komposisyon ganap na alas-2 ng hapon ngayon sa Arellano Gym.

“Maraming kinonsidera sa pagdedesisyon,” sabi ng isang opisyal na tumangging pangalanan Huwebes ng umaga.

“Iyung iba kasi sobrang dami ng kontrata sa iba’t-ibang mga projects, tapos iyung iba naman, isang text lang o tawag para sabihin na hindi makakarating ay hindi pa rin magawa. So the coaching staff decided na iyung mga dedicated at willing isakripisyo ang kanilang panahon para sa bansa ang isama sa team,” sabi pa nito.

Naobserbahan mismo ang kakulangan sa isinagawa na fund-raising project para sa koponan na “Clash of Heroes” noong Lunes kung saan pagbabatayan mismo ng mga coaches para piliin ang pinal na listahan ng bubuo sa men’s at women’s volleyball teams na isasabak nito sa 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Una nang inihayag ni Larong Volleyball ng Pilipinas Inc. (LVPI) president Joey Romasanta na ayaw nitong maulit ang naganap sa women’s team na ipinalada noon sa 2015 SEA Games sa Singapore na tumapos lamang sa mababa na ikalimang puwesto.

“We don’t want a repeat of what happened in 2015. ‘Yung pinili ng mga coaches eh maraming commitment sa kung saan-saan. Minsan may sisipot sa practice apat, minsan lima o anim. Hindi na iyon mangyayari,” sabi ni Romasanta sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong nakaraang Martes.

Unang ihahayag ang 18 pangalan na bubuo sa men’s at women’s teams bago ito tuluyang bawasan sa 12 manlalaro na lamang na siyang ipapadala ang mga pangalan para sa akreditasyon sa 29th SEA Games.
“The names will be submitted to the Kuala Lumpur SEA Games organizers and will be trimmed down to the final 12 on the last day allowed by the organizers,” sabi naman ni LVPI acting president Peter Cayco.

“(Wednesday) and Thursday practice sessions will be very crucial,” sabi pa ni Cayco. “Then, on Thursday night, coaches will meet to decide on the lineup, to be announced on Friday afternoon.”

Ipinaliwanag ni Romasanta na mas lalo nilang nasukat ang karakter at commitment ng mga manlalaro na ginanap na “Clash of Heroes” sa pagnanais na makalaro sa pambansang koponan.
Matatandaang hindi dumalo ang ilang high-profile na manlalaro tulad nina Premier Volleyball League (PVL) stars Alyssa Valdez, Grethcel Soltones, Elaine Kasilag at Myla Pablo na hindi pinayagan ng kanilang mga koponan.

Hindi rin nakadalo ang F2 Logistics player na sina Kim Fajardo, Abigail Maraño, Kianna Dy at Dawn Macandili pati na rin sina Jovelyn Gonzaga at Rachel Anne Daquis.

Tanging 15 manlalaro lamang ang sumabak sa Clash of Heroes na napagwagian ng Pilipinas Blue na pinamunuan ni Mika Reyes sa loob ng limang set.

“Kung sino ang interesado to do national service iyon ang pinipili namin. ‘Di na kami namimilit ng player” sabi pa ni Romasanta.

Huling binigyan ni women’s national coach Francis Vicente ng tsansa ang mga hindi nakalahok sa huling tryout bagaman nasa mga manlalaro na ang hakbang para ipaalam ang kanilang pagnanais makasama sa koponan.

“Sarado na ang pintuan, pero hindi pa naman naka-padlock Nasa kanila kung gusto nilang kumatok,” sabi ni Vicente.

Read more...