Marine Lt. Col. Marcelino laya ulit, handa pa rin sumabak sa anti-drug ops

Ferdinand-Marcelino
Nakahanda pa ring sumali si Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino sa operasyon kontra iligal na droga matapos muling makalaya sa pagkakakulong na bunsod ng kanyang pagsabak sa mga ganoong trabaho.
Nilabas si Marcelino sa AFP custodial center ng Camp Aguinaldo dakong alas-5 ng hapon Huwebes, matapos iutos ng Manila Regional Trial Court Branch 49 na palayain ang Marine officer at ang kasama niyang Chinese national na si Yan Yi Shou.
Dinala ni Public Attorney’s Office chief Persida Rueda Acosta at ilang kaibigan ni Marcelino ang release order sa AFP public affairs office at doon hinintay ang Marine officer.
Nang tanungin kung anong susunod niyang gagawin matapos muling makalaya, sinabi ni Marcelino na siya’y “overwhelmed” pa sa muling paglaya at bilang sundalo’y aantayin muna niya ang utos ng AFP.
Pero nagpahayag din si Marcelino ng kahandaan na muling sumali sa operasyon kontra iligal na droga, lalo na kung uutusan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“The President is my commander-in-chief, so who am I to refuse him?” ani Marcelino.
Matatandaan na kusang sumuko si Marcelino sa AFP Provost Marshall’s Office nitong Enero 3, matapos iutos ng isa pang korte sa Maynila na siya’y arestuhin.
Bago iyo’y nakalaya na si Marcelino matapos magpiyansa, makaraang madakip ng mga pulis at tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency kasama si Shou sa isang shabu laboratory sa Sta. Cruz, Maynila, noong Enero 21, 2016.
Nakuha sa laboratoryo ang mahigit P300 milyon halaga ng shabu at mga kemikal at kagamitang panggawa ng iligal na droga, pero ikinatwiran ni Marcelino na nagtungo siya at si Shou doon para din i-monitor ang pasilidad at mga nagpapatakbo nito.

 

Read more...