Videoke ni Jinggoy | Bandera

Videoke ni Jinggoy

Lito Bautista - May 19, 2017 - 12:10 AM

SA kabila ng karahasan, kamatayang dulot ng galit, pag-uusig at labis na kahirapan, may tumatawag ba kay Jesus? Huli na nang kilalanin at kailanganin Siya. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Gawa 13:26-33; Slm 2:6-7, 8-9, 10-11ab; Jn 14:1-6 ) sa ikaapat na linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.

Magkaibang araw nang mapatay ng mga pulis ang lalaki’t babae sa Malolos City. Sila’y dating nagsisimba sa Birhen Carmela sa Barasoain. Sa pagtindi ng patayan, dumalaw ang pari sa kanilang bahay at sila’y pinakiusapan na “ayusin” na ang kanilang buhay. Di sila sumunod.

Maraming ganitong gawain ang mga pari’t layko sa teritoryo ng Diocese of Malolos. Oo nga’t ang kampanya ay “No to EJK,” hinihikayat din ang mga gumagamit, Katoliko man o hindi, na tumigil na sa droga at magbalik sa Diyos, para lang maibsan ang bilang ng namamatay. Matigas ang ulo ng nasa panig ng demonyo.

Huwag maniwala sa UN. Ang haka-haka ng General Assembly Special Session on Drugs na para mawala ang malaking kita sa droga ay i-decriminalize (gawing legal?) ang lahat ng droga. Mali. Mali rin ang kanilang pananaw na huwag ituring na kriminal ang mga users at tratuhin silang pasyente. Paano na lang ang kanilang mga pinatay at pamiminsala habang may amats?

Ang atas, kahit 100 bomba pa ang sumabog sa Quiapo, ay huwag isisi sa IS terrorists na mula sa Mindanao ni Digong, Singapore, Malaysia at Indonesia. Pero, hayan na nga ang basic bombmaking skills sa Quiapo. Hindi ibinibiyahe ang bomba sa Quiapo mula sa Mindanao, Singapore, Malaysia at Indonesia. Sa Quiapo na rin ito ginagawa.

Kung kayang gawin ang bomba sa Quiapo, kaya rin itong gawin sa Quezon City, Caloocan, Taguig, San Juan, Pasig, Navotas, Paranaque, Las Pinas at Muntinlupa. Walang lugar sa Metro Manila ang ligtas. Bugok ang intel ng gobyerno, kahit bilyones pa ang pondo nito. Sinong mag-aakalang sa mismong lungsod ni Digong ay sasabog ang night market?

Bakit walang kaso ang mga senador at kongresista na “nasuhulan” para patalsikin si Chief Justice Renato Corona? Kung pakakantahin si Janet Napoles para lumabas ang katotohanan sa pork barrel, dapat bigyan ng videoke si Jinggoy Estrada para malaman ang lagayan sa impeachment. Pinatay ang pagkatao ni Corona; hanggang siya’y malagutan ng hininga.

Pa-simple na ring pinag-uusapan si Mocha Uson ng mga layko at pari (makasalanan si Mocha; kaya nga may Diyos ay dahil sa makasalanan). Angat si Mocha kesa kina Kris, Leni at Leila sa hambingan na kung marami ang nakikinig at sumusubaybay. Sa susunod na eleksyon, tiyak na ikakampanya ni Digong si Mocha; at popondohan. Di nga naman siya lulutang sa MTRCB.

Ngayon pa lang ay may hiling na ang lahat ng negosyante sa Bulacan kay Gen. Eduardo Ano: wakasan ang extortion, panghihingi ng pagkain at gamot nang sapilitan ng NPA. Malakas pa rin ang NPA sa northern at ilang bayan sa central Bulacan. Matindi na ang NPA dahil kahit sari-sari store ay hinihingan ng sardinas at noodles, na kanilang paninda.

Nag-away, sa di batid na dahilan, ang dalawang apo ko, 4-anyos na lalaki at 2-anyos na babae (na malakas kumanta ng “Papuri sa Diyos” sa Misa). Ang sabi ng lalaki: di naman kita inaano ba’t ka ganyan. Ikaw ang naunang nang-ano, anang babae. Baka gustong makialam ng single moms at husgahan ang di dapat.

PANALANGIN: Sa ngalan ni Jesus, dudurugin ko ang demonyo. Prayer for Protection, Fr. Jocis Syquia, chief exorcist, Archdiocese of Manila.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

REKLAMO mula sa Bayan (0916-5401958; [email protected]): May mga kaluluwa rin ba ng mga pari sa impiyerno at purgatoryo? Cecil, Barangay Balubal, Cagayan de Oro …8831. (Tugon: meron at sila ay di iilan, ayon mismo sa mga santo na nabigyan ng banal na pagkakataon na makasilip sa purgatoryo at impiyerno)

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending