Anti-distracted driving law nilinaw

KAHAPON ay sinimulang ipatupad ang Anti-Distracted Driving Law at tulad nang inaasahan, madami na namang magagaling ang nagsimulang batikusin ang bagong batas.

Kesyo hindi na raw puwede ang mga navigators gamitin, na ipagbabawal na rin ang operasyon ng Uber at Grab, na kukumpiskahin ang mga cell phone na nasa kotse, na ipagbabawal na umano ang mga DashCams.

Wala hong katotohanan ang mga suspetsang ito dahil malinaw ho ang pagkakasaad ng batas tungkol sa mga bagay na hindi maaaring gawin habang nagmamaneho kaugnay sa mga gadget at mobile phones natin.

Pinakamalinaw rito ang sinasabing “impeding the line of sight of the driver” na maaaring maging dahilan nang pagkalito ng nagmamaneho kung ang device ay nakaharang sa vision niya sa kalye.

Ayon kay LTO Executive Director Romeo Vera Cruz, maaari pa rin naman gamitin ang mga mobile phones habang nagmamaneho pero kailangan ay may “hands-free device” para hindi hawak ng driver ang gadget niya.

Layunin nito na manatiling nasa manibela ang dalalwang kamay ng driver upang ligtas ang pag-maniobra niya ng kanyang sasakyan. Ito ang isa sa susing patakaran ng lahat ng anti-distracted driving laws sa buong mundo.

Ang pagtingin ng tatlong segundo sa inyong telepono sa bilis na 30 kilometers per hour ay katulad din nang pagtakbo nang nakapikit sa dalawang haba ng basketball court.
May mapapatay o mamamatay kayo rito.

Hindi totoo na hindi maaaring ikabit sa dashboard o windshield ang kahit anong device.
Maaari pa ring gumamit ng “windshield at dashboard mount” basta nasa gilid ito at hindi sa gitna ng windshield tulad nang ginagawa ng ilang Grab Taxi drivers.

Kailangan lamang na lihis ang mga “gadget mounts” sa “line-of-vision” ng driver. Maaaring ilagay ang mounts sa ilalim ng “rear view mirror” mapa-windshield or dashboard man ang mounting ng gadget ninyo. Hindi ito sagabal dahil kita na ng driver ang buong lansangan mula sa posisyon niya.

Ipinagbabawal ang pagkalikot ng mobile device ninyo habang nagmamaneho dahil maaaring mawaglit ang mata ninyo sa kalsada na siyang dahilan nang madaming aksidente sa lansangan.

Maaari kayong gumamit ng Waze, Google Maps, at iba pang navigator applications basta ba ilalatag na ninyo ang mapa bago pa kayo magmaneho.
Kung maaari ay buksan ninyo ang audio ng navigator para madinig ninyo ang instructions at hindi kayo silip nang silip sa telepono o gadget ninyo.

Hindi rin totoo na magiging bawal na ang Uber at Grab. Walang kinalaman ang bagong batas sa operasyon ng mga taxi service na ito.

Ang parusa sa paglabag ay P5,000 sa unang violation, P10,000 sa ikalawa, P15,000 sa ikatlong violation at suspension ng tatlong buwan ng lisensiya ng driver at P20,000 sa ikaapat na paglabag at maaaring pagkansela ng lisensiya ng driver.
Maging ang may-ari ng sasakyan ay papanagutin din kung mapatunayang naging pabaya sila sa pagdisiplina sa driver nila.

Para sa komento o tanong, mag-email sa banderainquirer2016@gmail.com

Read more...