Apat na kawal at dalawang sibilyan ang nasugatan nang magpasabog ng landmine ang mga kasapi ng New People’s Army sa Luisiana, Laguna, ayon sa mga otoridad.
Sumabog ang improvised na landmine dakong alas-3 ng hapon Miyerkules sa hangganan ng Brgys. San Antonio at San Jose, sabi ni 1Lt. Xy-zon Meneses, public affairs officer ng Army 2nd Infantry Division.
Dumadaan sa naturang lugar ang isang team ng mga kawal lulan ng KM-450 truck at V-150 armored vehicle, nang tamaan ng pagsabog ang hul, aniya.
Nasugatan sa pagsabog ang mga kawal na sina Sgt. Marvin Bagaboro, Cpl. Zaldy Lebantino, Cpl. Teejay Antonio, Pfc. Jeff Ray Gatlabayan, at Domingo Garcillas na miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Dumadaan din noon ang isang sports utility vehicle at utility van, kaya may dalawang nasugatan na sibilyan, ani Meneses.
Patungo ang mga naambush na kawal sa Lucban, Quezon, para sana magsilbing dagdag puwersa sa mga sundalo’t pulis doon dahil sa pag-atake ng NPA, aniya.
Matapos ang pagsabog ay pinaputukan ng baril ng mga kawal ang aabot sa 10 rebeldeng nang-ambush. Di pa mabatid kung may mga nasawi o nasugatan sa mga rebelde.