Intel cop patay, 6 sugatan sa pamamaril

batangas
Patay ang isang intelligence operative ng pulisya habang anim pa katao ang nasugatan nang pagbabarilin ng mga di pa kilalang salarin sa isang pa-concert sa Balayan, Batangas, iniulat ng pulisya.
Isinugod pa sa ospital si SPO1 Brian De Jesus, intelligence operative ng Balayan Police, pero di na umabot nang buhay dahil sa mga tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng katawan, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Sugatan naman ang mga sibilyang sina Adrian Pesigan, 19; Marvin Magahis, 15; Melvin Cordilla, 16; Alfred Allan Bolos, 38; Lloyd Vincent Baldrias, 13; at Lamberto Olazo, 47.
Naganap ang insidente dakong ala-1:20 ng umaga sa covered court ng Brgy. Sampaga.
Maraming tao sa naturang lugar noon dahil may nagko-concert na mga banda bilang bahagi ng pista, ayon sa ulat.
Sa kasagsagan ng concert ay mino-monitor ni De Jesus ang presensya ng isang wanted na tao, pero bigla siyang pinagbabaril ng dalawang tao.
Tinamaan naman ng ligaw na bala ang anim pa katao, na kabilang sa mga nanonood ng pa-concert, ayon sa pulisya.
Dinala ang mga biktima sa iba-ibang pagamutan sa Balayan. Natagpuan naman sa crime scene ang apat na basyo ng kalibre-.45 pistola, tatlong basyo ng kalibre-.9mm pistola, at tatlong slug.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at motibo ng mga salarin, na agad tumakas matapos ang insidente.

Read more...