Jinggoy pinayagang ipasuri ang balikat

jinggoy
Pinayagan ng Sandiganbayan Fifth Division si dating Sen. Jinggoy Estrada na makalabas ng kulungan upang maipasuri ang kanyang nananakit na balikat.
    Ayon sa korte, makalalabas ng Philippine National Police Custodial Center si Estrada mula alas-12 ng tanghali ngayong araw (Huwebes) hanggang 6 ng gabi o hanggang matapos ang eksaminasyon.
    “Accused Estrada is permitted to undergo MRI and X-Ray of his right shoulder at the Cardinal Santos Medical Center only and not in any other hospital,” saad ng desisyon.
    Ang PNP ang naatasan na magbantay kay Estrada. Ang dating senador ang pinagbabayad sa lahat ng gagastusin sa kanyang pagpapasuri at gastusin ng mga nagbabantay.
    Ipinaalala rin ng korte na bawal si Estrada na gumamit ng anumang communication gadget at ang magpa-interbyu sa media.
    Sa kanyang mosyon, sinabi ni Estrada na noong nakaraang buwan pa nananakit ang kanyang kanang balikat at hindi umano ito gumaling sa pahinga at pag-inom ng gamot.
    Ang kanyang nararamdamang sakit ay kapareho umano ng kanyang naramdaman ng manakit ang kanyang kaliwang balikat noong 2014. Sinabi ni Dr. Tyrone Reyes na ang naunang pananakit ay sanhi ng calcific tendonitis kaya kinailangan siyang sumailalim sa arthroscopic surgery.
    Nakakulong si Estrada sa kasong plunder kaugnay ng pagtanggap umano ng kickback sa mga non government organization ni Janet Lim Napoles kung saan napunta ang bahagi ng kanyang pork barrel fund.
30

Read more...