Bakit ayaw ng mga Pinoy sa abroad umuwi ng Pinas?

IBANG-iba ang buhay sa abroad. Iyan ang madalas nating naririnig sa mga kababayan nating nagtatagal sa labas ng Pilipinas. Mas madalas marinig ang mga katagang “Maganda manirahan dito. Malayo sa buhay natin sa Pinas”.

Tatlong bagay kasi ang kaagad napapansin ng isang Pinoy na nangingibang-bayan—ang bansang kanilang pinuntahan, estilo ng pamumuhay roon at ang kanilang hanapbuhay.

Magaling ang Pinoy makipagsabayan kung papaanong nabubuhay ang mga mamamayan sa bansang kanilang pinupuntahan. Mabilis matuto. Madaling nakapagsasalita ng kanilang wika. Madaling magustuhan ang kanilang pagkain at kultura.

Siyempre pagdating sa trabaho, hindi naman pahuhuli ang Pinoy sa ibang lahi. Madalas nga puro positibong komento ang naririnig natin kapag Pinoy na ang napag-uusapan.

Karamihan sa kanila ay masisipag, tapat, magagaling sa trabaho at sa wikang Ingles. Mabilis ding matuto ng kanilang wika, masayahing mga tao, marunong makisama at marami pang iba.

Kapag ikinumpara na nila ang Pilipinas, mas masarap umano ang klima sa abroad, malamig, malinis, disiplinado ang mga tao, lahat sumusunod sa batas, walang masyadong krimen, malakas ang judicial system, maraming benepisyo, atbp.

Kaya kahit anong paghihimok ng pamahalaan na bumalik na sila ng Pilipinas, kibit-balikat lang ang tugon nila.

Hangga’t maaari kasi, ayaw na nilang bumalik ng bansa. Mas gusto na nilang mamuhay at magtrabaho doon. May mga nagsasabi pa ngang hanggang sa kanilang pagtanda at hangga’t kailangan pa sila at kaya pang magtrabaho, hindi sila babalik ng Pilipinas.

At kung may oportunidad na makuha ang kanilang mga kapamilya, iyon ang pangunahin nilang pagtutuunan ng pansin upang maisaayos ang mga kaanak na makasama rin nila sa abroad.

Tulad na lamang ng isang pamilya sa Italya. May magkapatid na unang nagtungo roon at kinuha nila nang kinuha ang kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas.

Ngayon nasa 74 na silang lahat na magkakapamilyang namumuhay roon.
Sa Paris, France, isang kapatid na babae ang unang nagtungo roon. Na sinundan ng isa pang kapatid nito. Tapos yung kanilang mga asawa. Mga ilang taon pa sumunod na rin ang kanilang mga anak. Ngayon napakarami na nila roon.
Kaya nga mukhang imposibleng mapauwi ang mga kababayan natin na tipong nag-eenjoy na sa panibagong buhay at magandang kalagayan nila ngayon sa abroad.
Ang katotohanan kasi, hangga’t maaari nga, kung mabibigyan sila ng permanent resident status doon at kung pupuwedeng citizenship pa nga, mas gusto nila iyon kaysa umuwi ng Pilipinas.
Kung magsasama-sama  silang magkakapamilya at may magandang trabaho naman, bakit pa sila babalik ng Pilipinas?
vvv
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali) audio/video live streaming:  www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Email: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...