Gilas Pilipinas asinta ang ikaapat na diretsong panalo

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Myanmar vs Singapore
5 p.m. Malaysia vs Vietnam
7 p.m. Philippines vs Thailand
Team Standings:  Indonesia (4-0); Philippines (3-0); Thailand (3-1); Vietnam (1-2); Malaysia (1-3); Singapore (0-3); Myanmar (0-3)

TARGET ng Gilas Pilipinas ang ikaapat na diretsong panalo sa ginaganap na 2017 Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Men’s Championship ngayong alas-7 ng gabi sa pagsagupa nito sa Thailand sa tampok na laro sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Una munang maghaharap ang kapwa wala pang naitatalang panalo na Singapore at Myanmar sa unang laro dakong alas-3 ng hapon bago ang salpukan ng Malaysia at Vietnam sa ikalawang laro ganap na alas-5 ng hapon.

Huling sinagasaan ng Pilipinas sa ikatlong sunod nitong paglalaro ang Malaysia, 106-51, para kapitan ang liderato kasalo ang hindi pa rin nabibigo na Indonesia. Nauna nang binigo ng Nationals ang Myanmar, 147-40, bago dinurog ang Singapore, 113-66.

Gayunman, nahaharap ang Pilipinas sa inaasahang magiging mainit na 2013 champion Thailand na nakalasap ng una nitong kabiguan kontra sa 1996 champion Indonesia, 59-60, sa torneong nagsisilbing qualifying meet para sa 2017 FIBA Asia Cup na idaraos sa Beirut, Lebanon sa Agosto 8-20.

Hangad ng Pilipinas ang kabuuan nitong ikawalong titulo sa torneo matapos na magwagi noong 2001, 2003, 2007, 2009, 2011 at 2015. Hindi ito sumali noong 2005 dahil sa pagho-host nito sa ikatlong pagkakataon ng Southeast Asian Games.

Hindi rin ito lumahok noong 2013 SEABA dahil awtomatiko na itong kasali sa pagho-host nito sa 2013 FIBA Asia Championship for Men noong Agosto 1-11. Dapat sana ang Beirut ang magho-host ng nasabing torneo na nagsisilbi na intercontinental championship para sa FIBA Asia at qualifying tournament sa 2014 FIBA World Cup sa  Spain subalit ibinigay sa Pilipinas dahil sa nagaganap na civil war at security concerns sa Middle East.

Ang Pilipinas ang huling naging host country ng FIBA Asian Championships na nagsilbing qualifying round sa FIBA World Cup dahil iba na ang gagawin na qualifying window simula sa 2019.

Huling nakalasap ng 81-88 kabiguan ang Pilipinas sa torneo sa kampeonato noong 1996 kontra Indonesia.
Una naman tinalo ng Indonesia ang Thailand, 60-59, para sa ikatlo rin nitong panalo.

Read more...