Gilas Pilipinas dinomina ang Malaysia

INUWI ng Gilas Pilipinas ang ikatlong sunod na panalo sa 2017 Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Men’s Championship sa pagsungkit ng 106-51 panalo kontra Malaysia Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Unang nakaiskor ang Malaysia mula kay Teo Kok Hou sa pagsisimula ng laro na huling paghawak nito sa abante matapos na agad maghulog ng 13-0 atake ang Gilas Pilipinas tampok ang anim na puntos ni Jayson Castro at tig-tatlo nina June Mar Fajardo at naturalized player Andray Blatche tungo sa ikatlong diretsong  panalo sa torneo.

Tinapos ng Pilipinas ang unang yugto sa 36-17 iskor bago nito itinaas pa lalo sa sumunod na 10 minuto ang abante sa pagtala ng 35 puntos na kalamangan sa halftime, 61-26.

Agad kumulekta si Castro ng 10 puntos habang may tig-siyam na puntos naman sina Terrence Romeo at Blatche sa first half.

Gumawa sina Blatche at Troy Rosario ng 13 puntos para pamunuan ang mga Pinoy cagers.

Magpapahinga ngayon ang Pilipinas bago sumabak muli sa aksyon bukas ng alas-7 ng gabi kontra Thailand.

Huling nakalasap ng kabiguan ang Pilipinas sa torneo noong 1996 kontra sa kasalukuyang kasalo naman nito sa liderato na Indonesia.

Naungusan ng Indonesia ang Thailand, 60-59, para sa ikatlo rin nitong panalo kahapon.

Read more...