MASAYANG ikinuwento ni Daryl Ong na pagkalipas ng tatlong taong pangungulila sa anak na si Dwayne ay muli silang nagkita dahil isinama siya ni Vice Ganda sa show nito sa Amerika.
“Nakita ko ‘yung anak ko na three years kong hindi nakita dahil nasa States. Sinama ako ni Vice sa US tour, kung hindi pa ako nasama sa show na ‘yun hindi ko alam kung kailan pa ako magkakaroon ng chance makita ‘yung anak ko,” sabi ni Daryl.
Hindi raw siya agad nakapagsalita nang makita ang anak, maging ang bata ay gayun din, “Pinahiram siya sa akin ng mom niya, masaya ako kasi maayos ang itsura ng anak ko, malusog. Sa hotel namin siya nag-stay,” say ni Daryl.
Hinding-hindi raw niya malilimutan maski isang araw lang niya nakasama ang anak, “Nag-malling kami, plano ko lang talaga manood ng sine, tapos si sir EJ ng TFC may friend siya sa Warner Bros (studio), sabi niya, ‘sumama na lang kayo sa amin, tapos ‘yun nga nakapasok kami sa Warner Brothers Studio.
“Kahit 3 years na sila Dwayne sa States, hindi pa sila nakakapunta ro’n. Nakakatuwang pagmasdan si Dwayne, actually sabay kami na nakita namin ‘yung costume nina Batman, Superman kaya ang saya-saya, buong araw nag-ikot kami,” kuwento ng nangungulilang ama.
Nagpakuwento kami sa kanya kung paano napunta sa US ang anak na hindi siya kasama. Kasalukuyang nasa gig noon si Daryl nang makita niya ang post ng dating asawa na nakasakay sila sa eroplano at nasa ibang bansa.
“I don’t know paano naitakas, e, that time we were married pa, so baka pineke ang pirma ko,” sabi sa amin.
Napawalang bisa na ang kasal nina Daryl at asawa niya nitong 2016 lang na siya mismo ang nag-file noong 2013 pero hindi na niya ikinuwento kung bakit sila naghiwalay.
Napanood namin noon ang episode ng The Voice Season 1 kung saan nag-blind audition si Daryl, kaya raw siya sumali ay baka sakaling manalo at magkapera para sundan ang anak o kaya sa pamamagitan ng nasabing programa ay mapanood siya ng bata at maalala siya.
Alam ba ni Dwayne na sikat na siyang singer dito sa Pilipinas? “I think, he knows kasi nanonood siya sa YouTube, doon niya ako nakikita, ‘yung leg sa San Diego na show ni Vice, in-invite ko sila tapos nanood siya. Bini-video niya ako.
“Nag-stop talaga ako at sinabi ko sa audience na, ‘very special sa akin ito kasi first time ko nakapunta sa States at hindi lang ‘yun, nandito ‘yung anak ko ngayon.’ Tapos nagpalakpakan ang mga tao, tapos tinuro ko siya, nakita ko kinilig siya.
“Tapos after ng show, hinila ko siya, maraming nagpapa-picture, nakita ko ‘yung mukha niya na napa-proud siya, natutuwa siya na parang sinasabi niya, ‘daddy ko ‘yan,'” 5kuwento ni Daryl.
Ngayong nakabalik na siya ng bansa nakakausap na raw niya ang anak, “Nagba-viber kami. We treat each other na barkada o magkuya.”
Tinanong namin kung ano na ang estado ng anak niya ngayon sa Amerika kasama ang ina, “Actually hindi ko alam kung citizen na sila, three years na sila roon. His mom is very private about their situation at hindi kami masyadong nag-uusap, kung nag-uusap man, more about sustento.
“Recently ko lang sinustentuhan si Dwayne kasi simula nu’ng umalis sila, hindi ko alam kung saan sila nag-stay, wala akong alam sa whereabouts nila, alam ko lang sa Long Beach, California sila. As in wala talaga akong alam,” sabi pa ng ama ng bagets.
Sinabihan si Daryl na kailangang alamin niya kung ano na ang estado ng anak niya in case may mangyari, may alam siya, “I tried, pero ayaw magbigay ng impormasyon ‘yung nanay ng anak ko. Ako naman para maiwasan ang gulo, e, di hindi na ako nangulit pa.”
Talagang pinagbubuti raw ni Daryl ang trabaho niya ngayon, “Para in case wala na akong work dito, puwede akong pumunta roon for a vacation at gusto kong maging full time daddy sa anak ko.”
Samantala, magkakaroon ng major concert si Daryl na may titulong “Daryl sONGs” na gaganapin sa Music Museum sa May 19.
“Overwhelming ang feeling, sobrang exciting and at the same time medyo kinakabahan na kasi ito ‘yung unang major concert ko na produced ng Star Music,” aniya.