GAME si Presidential son Baste Duterte na makatrabaho ang ex-girlfriend niyang si Ellen Adarna at ang Queen of All Media na si Kris Aquino.
Magsisimula na sa May 21 ang kauna-unahang reality-adventure-travel show ni Baste Duterte sa TV5, ang Lakbai, kung saan makakasama niya bilang co-hosts ang kanyang mga kaibigang sina S’boi Malicay, Andrei Apostol, Atty. Alexis Lumbatan at Bogart The Explorer.
Sa presscon ng Lakbai, natanong si Baste kung okay ba sa kanya na mag-guest sa kanilang show si Ellen Adarna matapos ang kanilang controversial break-up, aniya, “Wala namang problema, trabaho lang, e. Char!” Nagtawanan ang members ng press sa paggamit niya ng beki word na “char”.
Okay din daw kung mag-guest si Kris Aquino sa Lakbai, wala naman daw isyu sa kanila ng TV host.
Tinanong din ang presidential son kung totoo bang hindi naging maganda ang break-up nila ni Ellen, tugon nito, “Siya na lang ang tanungin niyo.” Sunod na tanong sa kanya, kung totoo bang minahal niya si Ellen, aniya, “Matagal na yun…no comment, no comment na lang. Puwede bang past is past na?”
No comment din si Baste kung totoong pinagsabay niya si Ellen at ang nanay ng anak niyang si Kate Necesario.
Sanay na rin daw siya kapag ipinapahiya siya ng amang si Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng madlang pipol, “Hindi naman (affected). Sanay na ako, sa Davao pa dati. Kahit naman sa local TV (pinagagalitan siya).”
Samantala, ang Lakbai na ang ibig sabihin daw ay “alis na tayo, kaibigan”, ay hindi lang basta travel show. Dito, makikilala rin ng mga Pinoy kung sino talaga si Baste Duterte, ang kanyang mga likes and dislikes at kung paano siya bilang kaibigan.
Mapapanood na ang Lakbai simula sa May 21 (Sunday) after ng PBA sa TV5. Para sa first season ng programa, nilibot ng tropa ni Baste ang Davao, Bukidnon, Surigao del Norte, Surigao Sur, Dumaguete Siquijor Island, Bohol, Ilocos at Mountain Province.