4 na miyembro ng pamilya patay sa loob ng 1 linggo; 2 magkapatid patay sa Compostela 

PATAY ang dalawang magkapatid na lalaki matapos silang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga lalaki sa Pantukan, Compostela Valley noong Biyernes, ayon sa pulisya kahapon.

Kinilala ng Compostela Valley police provincial office,  ang mga biktima na sina Rodrigo Liwatan, 42; at kanyang nakakabatang kapatid na si Lester, 40; kapwa residente ng Sitio Upper Lahi, Barangay Magnaga.

Nangyari ang insidente habang kinukumpuni ng mga biktima ang bahay ni Rodrigo sa Purok Tango 19. Dumating ang apat na nakamaskarang lalaki na nakasuot ng mga jacket at pinagbabaril ang mga biktima gamit ang mga riple, ganap na alas-7 ng umaga.

Kapwa agad na nasawi ang mga biktima matapos magtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, ayon sa pulisya.

Nangyari ang mga pagpatay wala pang isang linggo nang patayin ng mga nakamaskara ring mga salarin ang tiyuhin ng mga biktima na sina Melindo Liwatan,  purok chair.

Natamaan din at namatay ang tatlong-anyos na anak ni Liwatan matapos ang pamamaril noong Linggo.

Sinabi ni Senior Insp. John Clifford Nabor, Pantukan town police chief, na nagsasagawa na ng imbestigasyon kaugnay ng mga pagpatay para madetermina kung  sino ang nasa likod nito.

Read more...