LAGANAP ang kasamaan dahil nagpasailalim tayo sa kapangyarihan ng demonyo. Naligaw ng landas. Mahirap ang namumuhay sa dilim. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Gawa 12:24, 13-5a; Slm 67; Jn 12:44-50) sa Miyerkules sa ikaapat ng linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.
Digong, may droga pa rin. Bagaman nabawasan ang bilang ng mga napapatay na lumaban daw, oras-oras ay may nabibiling shabu. Nauubusan ang tindahan ng yelo dahil mainit ang panahon. Pero, hindi nauubusan ng shabu ang bansa mo, Digong. Mahina ang intel ni Bato. O ang intel mismo niya ang…
Mabuti na lang at merong Mayor Gabriel Luigi Quisumbing. Walo sa 282 kawani ng Mandaue City government ang positibo sa droga. Ang mga positibo sa droga ay mula sa tanggapan ng City Planning, City Treasurer, City Legal, City Assessor, Housing Urban Development at Strategy Management. Susmaryosep (talagang mapapamura si Digong)!
Mahigpit na ipinatutupad ni Quisumbing ang Section 36 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang patuloy na random testing ng mga kawani. Si Erap ay nagsasagawa rin nito at sa positibong traffic enforcers, wala nang confirmatory test: sibak agad. Kailangang yugyugin para magising sina Bistek Bautista at Oca Malapitan.
Kung may “secret cell” sa Tondo taon 2017, meron din naman noong 1978 sa Sangandaan, Caloocan. Hindi secret. Si Celestino Rosca ay may sistema. Bakit nga naman ihahalo ang mga bagong salta, menor man o mayor de edad, sa mga naproseso na at “ibibiyahe” na?
Linisin, at buhayin, mo naman Gina Lopez ang ilog sa Marilao, Bulacan, na noon ay hinusgahan ni Lito Atienza na “patay na.” Buong ilog, at hindi yung ipinagmamalaki mo na kapirasong sapa ng Paco sa Maynila, na kamakalawa ay marumi na naman. Puwede ba, huwag ka munang kumanta. Marami ka pang ilog na lilinisin (Polo, Santa Ana, San Juan, atbp).
Kawawa naman ang mga miyembro ng CA na binanatan sa mga programa ng ABS-CBN. Wala silang network para sagutin ang mga batikos, na marami rin naman ang masasakit. Sana naman, ang susunod na mamumuno sa DENR ay hindi malakas ang loob—na kumanta, gayung wala naman.
Diktador si Noy, di si Digong. Hindi iginiit ni Digong sina Jun at Gina. Pero, dahil dikta ni Noy, nawala si Mercy, sipa si Corona, namasaker ang SAF 44 (kung namatayan kayo, namatayan din naman ako), walang nagawa ang lehislatura sa BBL, pinili ang ipinakulong sa Crame, dinedma ang SC sa DAP, atbp.
Ang “na-ano” ay naging tampok sa Pagninilay ng isang simbahan sa teritoryo ng Diocese of Malolos. Anang pari, di siya makikialam kay Tito Sen dahil ang ginagampanan ng mambabatas ay kay Cesar. Sa espirituwal, sasapit sa buhay ang masasaktan, o dadalawin ng hiya, dahil sa kasalanan, pagkukulang o kalabisang kabataan at nakalipas. Walang konsensiyang asero at pusong bato.
Dadalaw si Digong sa Beijing (Peking noong na-truncheon ako sa kalye Centro, nang tumakbo mula Espana), Moscow, bago tumuloy ng White House ni Trump. Magsasalita rin ang palamura sa East Asia Summit at US-Asean Leaders Summit sa Nobyembre.
Susmaryosep, hindi nagawa ito nina Garcia, Macapagal, Marcos, Aquino, Ramos at Aquino pa! Isang hamak na siga lang pala ang gagawa nito wala pang isang taon.
PANALANGIN: Iligtas Mo kami sa apoy ng impiyerno. Panalangin ng Birheng Maria (pandaigdigang solemnidad at kapistahan bukas) sa mga batang Lucia, Jacintha at Francesco sa Cova da Iria, Fatima, Portugal.
REKLAMO mula sa Bayan (0916-5401958; litobautista5319@yahoo.com): Puwede bang ilathala ang pangalan ng mga miyembro ng Commission on Appointments na nag-disqualify kay Sec. Gina Lopez para naman makaganti kami sa kanila sa susunod na eleksyon? VCT ng Polomolok …6343 (Tugon: isinagawa ang secret voting sa executive section kaya di ito maihahayag ng media)
Rampant ang bawian ng awarded lands tru Carp ng DAR dito sa Taragona, Davao Oriental. Tinatakot, sapilitang pinapipirma ng waiver ang ilang IP beneficiaries sa mga dating land owner. Pls help our Lumad awardees. Attn DAR Sec. Mariano. …0916