Sino ang susunod na Pangulo?

NA-ACQUIT ng Court of Appeals ang akusadong plunder na si Janet Lim Napoles sa kasong serious illegal detention kung saan siya’y pinatawan ng habambuhay na pagkabilanggo.

Sinabi ng appellate court na hindi nagkamali ang lower court sa pag-convict sa kanya dahil hindi napatunayan ng prosecution na kinulong ni Napoles ang kanyang pinsan na si Benhur Luy.

Nadala lang naman talaga ang Makati regional trial court sa matinding publicity laban kay Napoles gawa ng plunder case na kanyang hinaharap noon.

Si Luy ay nagnakaw ng malaking halaga kay Napoles at upang pagsisihan niya ang kanyang ginawa sa kanyang pinsan, pinatira siya sa isang kumbento ng pari.

Sa kumbento, puwede namang umalis si Luy ng walang paalam pero hindi niya ito ginawa, ayon sa appellate court.

Pero kahit na napawalang-sala si Napoles ng Court of Appeals ay hindi pa rin siya makalalabas sa kulungan dahil ang plunder na ikinaso sa kanya ay non-bailable.

***

May balak ang Department of Justice na gawing government witness si Napoles upang makulong ang kanyang mga co-accused sa plunder case.
Sa ganoong paraan, maaaring makapagturo pa si Napoles ng ibang kasama niya sa pagnanakaw ng malakihan sa gobyerno.

Kapag nagkataon ay baka ituro niya ang dating Pangulong Noynoy Kuyakoy.

Matatandaan na bago dinala si Napoles sa Camp Crame upang ikulong ay nakipagkita muna ito kay Noynoy Kuyakoy sa Malakanyang.

Kung anong pinag-usapan nila ni Pangulong Kuyakoy ay walang nakakaalam, pero may haka-haka na kinausap siyang huwag nang magsalita dahil baka maraming madamay.

***

Pinabubuksan muli ni Sen. Tito Sotto ang imbestigasyon kaugnay ng pagbili ng batch ng 13 UH-1D helicopters na binili ng Department of National Defense noong 2014.
Dalawa nang helicopter sa nasabing batch ay bumagsak na matapos masunog habang nasa himpapawid.

Ang huling crash ay nangyari sa Tanay, Rizal noong isang linggo kung saan tatlong kawani ng Air Force, kasama ang piloto, ay namatay.

Ang unang chopper na nagcrash ay sa Saranggani province na maganda ang panahon noong November ng nakaraang taon.

Ang mga nasabing helicopters ay pinulot sa basurahan ng German military, inilipad sa Rice Aircraft Services sa California, at pinagtagpi-tagpi.

Binili ang mga nasabing basurang choppers ng gobiyerno sa halagang P1.2 bilyon (hindi P2.1 bilyon sa aking iniulat noong nakaraang araw).

Ipinilit sa Air Force ng dating Defense Secretary Voltaire Gazmin, isa sa mga paboritong Cabinet member ni Noynoy Kuyakoy.

Ang highly irregular purchase ng mga nasabing helicopters ay binisto ni Dory Alvarez, empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na kinatawan noon ng Rice Aircraft sa Pilipinas.

Walang nangyari sa exposé ni Alvarez na isinagawa ng Senate blue ribbon committee na pinamumunuan noon ni Sen. TJ Guingona, na kaalyado ni Noynoy Kuyakoy.

Kapag nabuksan muli ang imbestigasyon dahil sa resolution ni Sotto, tiyak na mabubuksan muli ang mga lata na punong-puno ng mga uod.

Dapat ay patayin na ang mga uod.

Ang mga “uod” na tinutukoy bukod kay Gazmin ay ilan pang opisyal ng DND at ng Air Force.

Isa sa mga uod ay humahawak na ng mataas na puwesto sa Air Force.

***

Tinawag ni Pangulong Digong si Sen. Richard “Big Dick” Gordon na “next President of the Philippines” sa launching at christening ng M/V Amazing Grace, isang malaking barko ng Philippine Red Cross.

Si Big Dick ay chairman ng Red Cross.

Nag-blush si Dick sa tinurang yun ni Digong pero masigasig ang palapak ng mga nasa audience na kinabibilangan ng mga business tycoons at foreign ambassadors na inimbita sa okasyon.

Ang Amazing Grace ay isang malaking barko na puwedeng maglanding sa dalampasigan ng isang lugar ng tinamaan ng trahedya upang magdiskarga ng mga rescue and life saving equipment at mga relief goods.

Ang barko ay binigay ng US Navy sa ating Red Cross dahil sa panunuyo ni Dick Gordon.

Ang Amazing Grace ay dating military landing ship transport na nagkakarga ng mga sasakyang militar gaya ng tangke de gerra at mga six-by-six trucks.

Ang isang Big Dick lang ang makakagawa na makakuha ng malaking barkong pangkaligtasan para sa Red Cross.

Sana’y magdilang-anghel si Pangulong Digong na si Dick ang susunod na Pangulo.

Read more...