1 sa 4 na suspek sa pagsabog sa Quiapo noong Abril 28 arestado

C_RtjzsUIAA65P9

NASA kustodiya na ng  Manila Police District (MPD) ang isa sa apat na pangunahing suspek sa pagsabog sa Quiapo noong Abril 28,  na itinaon sa pagdaraos ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) summit sa bansa.

Sa isang press conference, iprinisinta ni MPD chief Joel Coronel ang isang Abel Macaraya, na naaresto at nakakulong sa kasong multiple frustrated murder at illegal possession of explosives.

Sinabi ni Coronel na konektado ang insidente sa kaso ng bayaw ni Macaraya na isang binatilyo na nauna nang naghain ng reklamo kay Barangay 391 chair Arnold Almario ng kasong child abuse at physical injuries matapos umano siyang bugbugin ng magkakapatid na Kahulugan na may mga palayaw na Bebot, Tangki and Komang.

“Dahil po dito, base sa aming pagsasaliksik, sa galit ng pamilya, dahil po sa masamang pagtrato na tinanggap ng kanyang kapatid na kinukundena ng kanilang pamilya, naisipan po nilang maghiganti,” sabi ni Coronel, kasabay ng pagsasabing sinampahan na ang magkakapatid ng paglabag sa R.A. 7610 o ang Child Abuse Law.

Idinagdag ng mga pulis na pumunta ang tatay ng binatilyo sa barangay hall para i-followup ang kasong inihain, ngunit hindi sumipot ang magkakapatid na Kahulugan.

Naging dahilan ito para hanapin ng tatay ang magkakapatid sa Quezon Boulevard, kung saan binantaan niya ang mga ito.

Pagsapit ng gabi isang homemade pipe bomb ang sumabog malapit sa Tower Lodging House sa Quezon Boulevard sa Quiapo, kung saan nasugatan ang 14 na katao.

Tiniyak ni Coronel na nagsasagawa na ang MPD ng operasyon sa iba pang mga suspek, kabilang na ang isang Raymond Mendoza.

Nauna nang iginiit ng mga otoridad na hindi konektado ang pag-atake sa  Asean summit, sa pagsasabing ito ay gang war lamang.

Iginiit ni Coronel na hindi terorismo ang motibo ng pag-atake, sa pagsasabing mababang klase lamang ang ginamit na pampasabog, kumpara sa mga ginagamit ng mga teroristang grupo.

Sinabi ni Coronel na lima na lamang sa mga biktima ang nananatili sa ospital.

 

Read more...