MAYO ang kapistahan ni San Isidro de Labrador, ang patron ng mga magsasaka.
Maraming bayan sa Pilipinas ang nagdiriwang sa nasabing pista, pero ang Tanda festival sa Bohol at ang Pahiyas sa Quezon ang dalawa sa mga pinakatanyag.
Pahiyas Festival
Pagtungtong ng Mayo 15, isa pang selebrasyon para kay San Isidro Labrador ang sisipa sa Lucban, Quezon.
Nagsimula ang tradisyon ng Pahiyas sa isang pasasalamat ng mga ninuno ng mga taga-Lucban sa mga anito. Nagtitipon-tipon sila sa isang “tuklong” o maliit na bahay kung saan magpupugay sila sa kanilang mga diyos at magsasalo-salo upang masiguro ang masaganang ani sa susunod na tao.
Nang dumating ang Kristyanismo sa bansa, patuloy pa rin nila itong ginawa pero dinala nila sa simbahan ang kanilang ani, na siyang binasbasan ng pari bilang pasasalamat sa Panginoon.
Sa sumunod na taon ay mas dumami ang kanilang ani na lalong nagpatibay ng kanilang pananampalataya sa Diyos at sa patron nitong si San Isidro Labrador.
Kilala bilang isa sa pinakamalaki at pinakamakulay na piyesta ng Pilipinas, hindi dapat palagpasin ang Pahiyas Festival na isang tradisyonal na pagbigigay pasasalamat ng mga magsasaka sa isang masaganang ani.
Dahil sa pagiging tanyag ng Pahiyas Festival, kinilala ang Lucban, Quezon ng Department of Tourism bilang isang tourist town at isang cultural heritage site.
Nagpapasiklaban ang mga taga-Lucban tuwing Pahiyas. Lahat sila ay kinukulayan at dinedekurasyunan ang mga bahay ng mga Kiping, isang hugis dahon na pang-adorno, at mga ani tulad ng mga prutas at gulay. Ito ang ibig sabihin ng “payas” o “pahiyas”.
Isang parada ng mga imahe ni San Isidro ang nagaganap sa harap ng makukulay na bahay na ito.
Ayon sa kanilang tradisyon, pag mas makulay ang iyong tahanan sa pagdaan ng prusisyon ay mas magiging masagana ang iyong buhay ngayong taon.
Matitikman din ang sarap ng piyestang ito sa pamamagitan ng pagbisita sa Tiyangge Sa Lucban, isang fair kung saan magtitipon ang mga magsasaka upang magbenta ng kanilang mga produkto, perfect pampasalubong sa pamilya.
Tanda Festival
Sa iba marahil ang Tubigon, Bohol ay “daanan” o pitstop lamang para sa mas sikat na mga tourist spots sa Bohol tulad ng Chocolate Hills. Pero ang hindi alam ng marami, lalo na ngayong Mayo, ay may hindi dapat palagpasin na kasiyahan na nagaganap sa lugar na ito.
Street dancing, makukulay na mga kasuotan at marami pang iba, iyan ang nakakaakit at masasayang tagpo na iyong maaabutan kung ikaw ay magtutungo ngayon sa Tubigon, Bohol para sa sikat na Tanda Festival.
Ang Tanda Festival ay isang selebrasyon para sa patron saint nilang si San Isidro Labrador. Hango ang “tanda” sa salitang Tubigon na “maikling pagbisita”.
Tanyag sa tatlong malalaking kaganapan ang Tanda Festival.
Ang una ay ang Bulong-Imang Street Dancing and Showdown. Galing ang salitang Bulong-Imang sa tunog ng mga drum at gong na ginagamit ng mga mananayaw. Ang sayaw na ito ay isang pagpupugay sa kanilang patron.
Sa nasabing panahon din ginaganap ang Tubigon Beauty Pageant o Anyag kung saan sumasali ang mga nagagandahang dilag ng mga taga-Tubigon.
Sa Agro-Technological Fair naman ipinapakita ang angking yaman ng Tubigon. Dito inilalatag ang iba’t-ibang mga produce o ani na galing sa kanilang mayayaman na mga sakahan, sa bundok, at sa karagatan sa paligid
nito.
Ang Tanda Festival ay isang pamamaraan ng mga taga-Tubigon, Bohol para ipagmalaki ang kanilang likas-yaman, mayamang kultura at kagandahan ng lugar.
Tumatagal ang Tanda Festival mula Abril 26 hanggang Mayo 15.