SA halos dalawang dekadang pag-ere ng Wansapanataym, marami na itong mga aral na naibahagi na tumatak sa puso ng manonood sa mga nagdaang taon.
Saksi rito ang business unit head ng palabas na si Rondel Lindayag, na nagkaroon ng pagkakataong makilala at makausap ang ilan sa mga sumusubaybay sa programa.
“Kapag pumupunta kami ng mga award ceremonies, maraming estudyanteng lumalapit sa akin at nagbabahagi ng mga alaala nila tungkol sa Wansa. Napansin ko na laging mayroong isang episode na nagmarka at hindi nila malimutan,” sabi ni Rondel.
Sa kabila naman ng pagbabago ng panahon at teknolohiya, nananatili ang pagsuporta ng mga manonood dahil patuloy pa ring pinagmumulan ng aral at inspirasyon ang Wansapanataym.
“Sumasabay kami sa teknolohiya, pero pareho pa rin ang kuwento at kung paano ang pagkukuwento namin. Iyon pa rin ang mga aral na ibinabahagi ng Wansa, pero sumasabay lang sa uso. Ngayon hit ang loveteams dahil siguro naiintindihan ng manonood iyong higpit ng magulang, pati na rin ang pakiramdam ng unang pag-ibig,” sabi pa ng TV executive.
Ang loveteam nina Judy Ann Santos at Rico Yan ang bumida sa pinakaunang episode ng programa noong 1997 na pinamagatang “Mahiwagang Palasyo.” Ipinakita nito na lahat ay pantay-pantay pagdating sa pag-ibig.
Samantala, patuloy naman ang mahika at mga kuwentong puno ng aral sa kuwentong hatid ng Wansapanataym Presents: Annika Pintasera, na pinagbibidahan ni Julia Montes. Ibinabahagi nito ang kuwento ni Annika, isang dalaga na mahilig mamintas at isinumpang mapunta sa loob ng isang painting at maliligtas lamang ng halik ng tunay na pag-ibig.
Ngayong Linggo, unti-unti nang nauubos ang oras ni Annika upang makatakas mula sa sumpa. Ngunit susubukan niya pa ring lumaban dahil makakahanap siya ng lalaking puro ang puso na tingin niyang makakapagpalaya sa kanya mula sa loob ng mahiwagang painting.
Ito na nga ba ang oras ng paglaya ni Annika mula sa painting? Ano naman kaya ang mararamdaman ni Jerome (JC Santos) sa bagong lalaking makikilala ni Annika?
Napapanood ang Wansapanataym Presents: Annika Pintasera, tuwing Linggo after The Voice Teens sa ABS-CBN.
In fairness, marami kaming nababasang komento mula sa mga netizens na botong-boto sa tambalan nina Julia at JC. Refreshing daw ang tandem ng dalawa at aliw na aliw sila kapag nag-aasaran na ang mga ito sa mga eksena nila sa Wansa.
Kaya nga ngayon pa lang ay excited na silang mapanood ang bagong soap opera ni Julia with JC, ang Victims Of Love kung saan makakasama rin sina Angelica Panganiban, Paulo Avelino at Lorna Tolentino.
May mga fans naman si Julia na humihiling sa ABS-CBN na bigyan ng chance ang dalaga na makapag-guest sa FPJ’s Ang Probinsyano ng kanyang special friend na si Coco Martin.
q q q
Speaking of Ang Probinsyano, para kay Yassi Pressman, isang malaking blessing ang extension ng number one primetime series ng ABS-CBN na tatagal pa hanggang 2018.
Malaking tulong daw ito sa pagiging breadwinner ng kanyang pamilya, tumutulong din kasi ang leading lady ni Coco sa pagpapagamot ng tatay niyang may sakit.
Sey pa ni Yassi, excited na siya sa mga pagbabagong magaganap sa Probinsyano na napapanood after TV Patrol.