‘Best of the best’ ng UAAP volleyball

Baron, Espejo

GAME TWO na ng UAAP Season 79 volleyball finals ngayon at igagawad na rin ang tropeo sa mga natatanging manlalaro na nagpamalas ng husay ngayong season sa Smart Araneta Coliseum.

Kung mananalong muli ang La Salle sa karibal na Ateneo ay iuuwi na nito ang ikalawang sunod na kampeonato sa women’s division at kung magwawagi naman ang Ateneo kontra sa ‘di padadaig na National University ay mapapanatili nito ang titulo sa men’s division sa ikatlong diretsong taon.

Hindi naging madali para sa La Salle na makaabot sa championship round lalo at nagsipagtapos na ang ilang manlalaro na susi sa kampeonato noong Season 78 tulad nina Cyd Demecillo, Ara Galang at Mika Reyes.

Naging balakid din sa daan ng Lady Spikers ang mga natamong injuries nina Kim Dy at Kim Fajardo dahilan para masubok ang kanilang katatagan sa mga krusyal na laban.
Hindi rin biro makatapat sa best-of-three crown dispute ang Lady Eagles na nagpalasap sa kanila ng dalawang beses na kabiguan sa elimination round. Gayunman, nasung-kit ng nagtatanggol na Lady Spikers ang panalo kontra Lady Eagles sa Game 1.

Ang Blue Eagles naman, tila ba minani lang ang elims nang walisin ang 14 na laro para direktang makopo ang unang finals berth pero nasubok ang tibay nang makaharap sa Game 1 ang mabangis na Bulldogs.

Ang magandang kampanya ng Lady Spikers at Blue Eagles ay dahil sa magigiting nitong mandirigma sa katauhan nina Mary Joy Baron ng La Salle at Marck Jesus Espejo ng Ateneo na kapwa kinilalang Most Valuable Player ngayong season.

MARY JOY BARON (Middle Blocker, De La Salle Univerity)
Season numbers
Total score: 147 points (10.7 pts per game, 1oth overall) Kill blocks per set: 0.74 (2nd overall) Attack success rate: 38.03% (3rd overall)
Pinatunayan ni Baron na isa siya sa mga matitikas na defensive players sa UAAP. Isang patunay ay ang pagkapanalo niya bilang Best Blocker ng Season 78.
Ngayong taon, mas pinahanga pa ng 5-foot-11 middle blocker ang madla ng maungusan ang mahihigpit na katunggali tulad nina Jaja Santiago ng NU, Bernadeth Pons ng FEU at kakamping si Dy para kilalaning Season 79 Most Valuable Player.
Si Baron ang naging sandigan ng De La Salle University sa magandang takbo ng defending champion sa Season 79 lalo na sa pagdepensa sa net. Dahil sa matutulis na opensa at mala-pader na depensa, binitbit ni Baron ang Lady Spikers tungo sa ikasiyam na sunod na finals appearance.
Nananatili namang mapagpakumbaba si Baron sa kabila ng parangal na kanyang nakamit at si-nabing utang niya iyon sa kanyang mga kakampi at coaches.
“I would not have done it without the help of my teammates and coaches,” ani Baron sa panayam ng Philippine Daily Inquirer.
MARCK JESUS ESPEJO
(Opposite Hitter, Ateneo De Manila University)
Season numbers
Total score: 235 points (1st overall)
Walang duda na si Espejo ang haligi ng Blue Eagles- at walang makatitibag sa kanya.
Ang 6-foot-3 hitter ang nasa manibela sa ‘di mapigilang ratsada ng Ateneo tungo sa perpektong takbo sa elimination phase para lumapit sa 3-peat.
Sa tulong ni Espejo, pinalawig ng Blue Eagles sa 29-0 ang kanilang kartada simula pa noong isang taon.
Nasungkit ng tinaguriang ‘God’s gift to Ateneo’ na si Espejo ang kanyang ikaapat na sunod na MVP trophy sapul Season 76. Kinilala rin siya bilang Best Spiker sa ikatlong sunod na beses at Best Scorer sa unang pagkakataon sa loob ng apat na taong paglalaro.
Narito pa ang ibang nagkamit ng individual special award:
Men’s division
Best Blocker: John Paul Bugaoan (FEU)
Best Server: Bryan Bagunas (NU)
Best Setter: Esmilzo Joner Polvorosa (ADMU)
Best Receiver: Rikko Marius Marmeto (FEU)
Best Digger: Ricky Marcos (NU)
Rookie of the Year: Chumason Celestine Njigha (ADMU)

Women’s division

Best Scorer, Blocker, & Spiker: Alyja Daphne ‘Jaja’ Santiago (NU)
Best Server & Setter: Kim Fajardo (DLSU)
Best Digger: Kathleen Faith Arado (UE)
Best Receiver: Dawn Nicole Maccandili (DLSU)
Rookie of the Year: Juliane Marie Samonte (ADMU)

READ NEXT
Game 2 ngayon
Read more...