NILILIGAWAN ng US at China ang Pangulong Digong.
Iyan ay dahil si Digong ay naging most influential leader na sa mundo.
Wala ni isa sa kanyang mga predecessors ang nagkaroon ng ganoong impluwensiya sa mundo.
Noong araw ay parang floor mat lang ang Pilipinas na inaapak-apakan ng mga malalaking bansa na gaya ng America.
Ipinakikita ni Digong sa buong mundo na tayo’y isang kagalang-galang na bansa.
***
Nagkamali si Sen. Tito Sotto, isang TV comedian bilang sideline, sa kanyang sinabing “na-ano” kaya’t nabuntis noong bata pa siya si Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo.
Humingi na ng paumanhin si TitoSen.
Sana’y makalimutan na ang kanyang pagkakamali dahil wala naman siyang isip na malisya.
Ginagalang ni TitoSen ang mga babae, at proof niyan ay ang kanyang pagiging matapat na partner ng kanyang maybahay na si dating actress-singer Helen Gamboa, at ang kanyang matinding pagmamahal sa kanyang mga anak.
Kung nagawa man niya yung ganoong pananalita, hindi niya balak insultuhin si Taguiwalo.
Ang mga comments ng maraming
komedyante ay kung minsan ay nakakasakit ng damdamin tenga. Pero hindi ibig sabihin niyan ay pinipersonal nila ang taong nasaktan ang damdamin.
Kung ayaw kayong maniwala, manood kayo ng stand-up comedians sa US television.
***
Nanguna ang Gabriela sa pagtuligsa kay Sotto sa kanyang diumano’y sexist remark.
Kung talagang may malasakit ang Gabriela sa ating kababaihan, bakit hindi nito tinutuligsa ang pagpapadala ng gobyerno sa mga kasambahay na babae sa Middle East, lalo na sa Saudi Arabia?
Sa Araw-araw na ginawa ng Diyos, nakakatanggap kami ng reklamo sa aking programang Isumbong mo kay Tulfo tungkol sa pagmamalupit sa ating mga kababayang Pinay na nagtatrabaho bilang katulong sa Middle East, lalo na sa Saudi.
Ang mga reklamo ay pagpapahiram ng mga katulong sa mga kamag-anak ng kanilang mga amo, ang hindi pagbibigay sa kanila ng pagkain, ang pambubugbog at panggagahasa.
Isang Pinay na nakabalik na dahil sa “Isumbong” ang nagsabi na ginahasa siya ng maraming pulis sa Saudi dahil tinakbuhan siya ng kanyang malupit na amo.
Ang panggagahasa sa kanya ay nangyari sa police station mismo.
Isang bading naman na nagreklamo na hindi siya sinuwelduhan ng kanyang among Saudi ay ginahasa naman daw ng pulis sa Saudi rin.
Sa aking pananaw, ang Gabriela, na nagsasabing ipinagtatanggol nito ang karapatan ng kababaihan, ay hindi talaga interesado na tumulong sa mga babae na nasa kagipitan at panganib.
Pero tumutulong ang Gabriela sa mga babae na naapi raw ng lalaki kapag ito’y nasa mga balita.
Sa madaling salita, tumutulong lang ang Gabriela kapag ang grupo ay mabibigyan ng malawak na publisidad.
Marami nang beses na inihingi ng aking public service program ang tulong ng Gabriela para sa mga babaeng naapi.
Pero wala akong matandaan na pagkakataon na tumulong ang Gabriela sa mga lumapit sa akin na mga babaeng inapi.
Sa mga pagkakataong yun ay inihingi ko ng tulong ang mga babae sa ibang ahensiya at sila’y nabigyan ng hustisya ng mga ito.