Gilas tatanggalin si Blatche sa SEABA?

ILANG araw na lamang bago magsimula ang torneo ay problemado na agad ang Gilas Pilipinas na sasabak sa 12th Southeast Asia Basketball Association (SEABA) Championship na qualifying tournament para sa 2017 FIBA Asia Cup.

Ito ay dahil sa hindi pagdating ng naturalized player na si Andray Blatche na inaasahang babalik sa bansa noong Lunes subalit nagpasabi na darating na lamang ngayon, Biyernes, upang makasama ang buong koponan na naghahanda sa torneo na regional championship para sa Southeast Asian basketball teams.

“Like I said, kapag nagkaaberya pa ito, we are going to replace him,” nasabi lamang ni Chot Reyes, na muling inatasan na maging head coach ng pambansang koponan para sa torneo na gaganapin simula Mayo 12 hanggang 18.

Sa unang pagkakataon ay isang silya lamang ang nakataya sa torneo para sa subzone na pinangalanan bilang continental championship na isasagawa sa Lebanon simula Agosto 10 hanggang 20.
Problemado rin ang defending champion na Gilas Pilipinas dahil ang nasabing petsa ay direktang katapat sa pagsasagawa naman ng 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19 hanggang 30.

Maliban kay Blatche, pinangalanan ni Reyes ang bubuo sa SEABA 12 na sina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Raymond Almazan, Calvin Abueva, Troy Rosario, Matthew Wright, Allein Maliksi, RR Pogoy, Jayson Castro, Terrence Romeo at Jio Jalalon.

Unang pagkakataon ng Pilipinas ang magho-host sa SEABA Championship sapul noong 2001. Sasabak sa torneo ang mga pambansang koponan ng Indonesia, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand at Vietnam.

Isasagawa rin ang SEABA U16 Championship for Men na gaganapin simula Mayo 14 hanggang 18 May.
Ang tatanghaling kampeon sa SEABA Championship ang magrerepresenta sa subzone sa 2017 FIBA Asia Cup.

sa Lebanon sa Agosto 10 hanggang 20 kung saan 16 na koponan kabilang ang  Australia at New Zealand ang magsasagupa para irepresenta ang rehiyon.

Ang mangungunang 14 na koponan ay sasamahan ng dalawang koponan na pipiliin ng Regional Office para lumahok sa Division A base sa bagong Competition System ng FIBA.

Read more...