BURI ng MRT, ‘burigi’ ng DOTr

HINDI ko maintindihan ang paliwanag ng Busan Universal Rails Inc. o BURI tungkol sa palpak na serbisyo nila sa mga tren ng MRT-3.

Kung babasahin mo nang maigi ang sinasabi nila, hindi raw sila dapat sitahin at pagalitan dahil sadya raw talagang sirain ang MRT-3 – ang mga tren nito at ang mga riles na tinatahak ng mga bagon.

Mabilis nilang itinuro ang mga nakaraang maintenance provider sabay sabi na magkasindami lang sila ng insidente ng paghinto, pagsasara ng operasyon at pagbagsak ng mga tren.

Hindi rin daw nila kasalanan na hindi maayos ang signaling system ng mga bagong bagon dahil maintenance lang naman daw ang kanilang trabaho.

Pero yun na nga ang punto kung bakit sila ang kinuhang bagong maintenance provider kapalit ng Sumitomo at iba pang sumunod na mga grupo. Dahil sinabi nila na mas maigi ang trabaho at sistema nila pagdating sa pagsasaayos ng mga tren at riles at signaling ng MRT-3. Tapos ganon ang katwiran nila ngayon?

Dahil sila ang pumalit doon sa sinasabi nilang palpak na grupo, inaasahan ng mamamayan at ng pamahalaan na mas mahusay ang serbisyo nila at mas kakaunti kung hindi man mawala ang mga aberya sa MRT-3.

Pero ang kaso, parang hindi naman nagbago at ang tingin pa ng mamamayan ngayon ay mas masahol ang serbisyo ng MRT-3 kaysa sa nakaraan.

Hindi dahilan ang mas malala o kaparehong insidente ng kapalpakan ng dating maintenance provider para ilusot ng BURI ang kapalpakan ng grupo nila.
Hindi ito dahilan para manatili silang may hawak ng kontrata dahil ang punto ng pagkuha sa kanila ay upang mag-improve ang sitwasyon ng MRT-3.

Ngayon, kung hindi din naman nila kayang itaas ang antas ng kanilang serbisyo, bagkus ay ikinukumpara pa nila na pareho lang sila ng lebel ng kapalpakang ng nakaraang grupo, eh bakit pa sila kinuha?

Yan mismong sagot na yan, na pareho lang sila ng bilang ng insidente ng pag-hinto, pag-sara at hindi pagbuo ng biyahe ng mga tren sa MRT-3 ay dahilan na siguro para kanselahin ang kontrata nila at ibigay sa ibang grupo na makakapagbigay ng mataas na antas ng serbisyo sa publiko.
Para sa komento o suhestiyon sumulat lang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com

Read more...