Echo, Bela lumelebel sa KathNIel, JaDine at AlDub; tambalang ‘BelEcho’ waging-wagi

bela padilla at jericho rosales

SUGAROL ka ba? Sumugal ka na ba sa mga bagay na walang kasiguraduhan? Ano ba ang mas mahalaga sa ‘yo, swerte o true love?

Kung hindi ka sure sa magiging sagot mo, dapat panoorin mo ang unang pagtatambal sa pelikula ni Asian Drama King Jericho Rosales at versatile na si actress Bela Padilla, ang “Luck At First Sight” produced by Joyce Bernal Productions, Viva Films at N2 Productions.

Napanood na namin ang movie sa ginanap na special press screening nito sa Platinum Cinema ng Gateway mall at hindi nasayang ang aming oras at effort sa pagpunta sa Quezon City mula sa Cainta, Rizal dahil na-enjoy namin ang bagong obra ni direk Dan Villegas.

Tama nga si Bela sa sinabi niya during the presscon of “Luck At First Sight”, wala rin kaming ibang nakikitang perfect sa role ni Joma na isang sugarol na matindi ang paniniwala sa mga pampaswerte, kundi si Echo lang. Very natural at convincing ang ipinakitang akting ng aktor na para bang kasama ka rin niya sa journey ng kanyang buhay.

Makikilala ni Joma sa isang magical twist of fate si Diane (Bela), ang babaeng naging lucky charm niya sa pagsusugal. Kapag nagsugal silang magkasama at magkadikit ay siguradong panalo sila.

Hanggang sa nagkaroon sila ng kasunduan na iipunin ang perang napapanalunan nila sa iba’t ibang uri ng sugal para matubos ni Joma ang nakasanla nilang bahay at maipagamot naman ni Diane ang kanyang ama (Dennis Padilla).

Pero biglang dumating ang kinatatakutan nina Joma at Diane, nagkasunud-sunod ang pagkatalo nila sa sugal nang ma-develop na ang feelings nila sa isa’t isa. Dito na nila kailangang mamili – ipagpapatuloy ba nila ang bisa ng swerte o mas pahahalagahan nila ang nararamdamang pagmamahal para sa isa’t isa?

This is the first time na nagtambal sina Echo at Bela sa pelikula pero parang matagal na silang magka-loveteam dahil feel na feel mo agad ang matinding rapport sa pagitan nila – effortless kasi at hindi sila nagpaka-trying hard para pakiligin ang manonood.

Sabi nga namin after watching the movie, kahit first time nina Echo at Bela pwedeng-pwede pa rin silang lumebel sa tambalang KathNiel, LizQuen, JaDine at AlDub. At hindi na rin kami magtataka kung biglang umingay ang tandem nilang BelEcho after this movie.

Siguradong mapapansin din ng mga manonood na kahit sa isang simpleng tinginan, hawakan ng kamay at yakapan ng dalawang bida ay may hatid nang kilig sa puso, at idagdag pa ang mga makatotohanang confrontation at hugot scenes nila na nagpatunay sa pagiging aktres ni Bela.

Napaiyak niya kami sa eksenang nagpapaalam na sa kanya ang may sakit na amang si Dennis dahil gusto na nitong mamatay, ramdam na ramdam mo kasi ang sakit na napi-feel niya bilang anak. Winner din ang mga confrontation scene nila ni Echo.

In fairness, nakuha ni direk Dan Villegas ang tamang timpla ng katatawanan, kilig at drama sa “Luck At First Sight”. Idagdag pa ang refreshing tandem nina Kim Molina at Cholo Barretto na talagang agaw-eksena sa kanilang mga nakakalokang punchlines. Nandiyan din ang mga hirit ng sister ni Yassi Pressman na si Yssa Pressman.

At wag muna kayong aalis pagkatapos ng movie, wait n’yo ang closing credits dahil may pahabol na eksena pa ang mga bida ng “Luck At First Sight”. Swak na swak din ang OST ng movie, including “Umaaraw, Umuulan,” an original Rivermaya hit na ni-remake at binigyan ng bagong atake ni Zia Quizon.

Showing na ngayon sa mga sinehan ang “Luck At First Sight” na binigyan ng Grade A ng Cinema Evaluation Board. Kaya kung gusto n’yong makapanood ng pelikulang may sense, watch na. Malay n’yo after watching the film, magsunud-sunod na rin ang swerte n’yo!

Read more...