MAY karagdagang insentibo na nakamit ang Northern Mindanao sa pagwagi ng gintong medalya sa elementary boys baseball division ng 2017 Palarong Pambansa sa San Jose de Buenavista, Antique.
Nakamit din ng koponan ang karapatan na irepresenta ang Pilipinas sa Little League Asia-Pacific regional tournament.
Sinabi ni Palarong Pambansa baseball tournament manager Ismael Veloso na una nang itinakda ang pagbibigay ng insentibo kada taon sa tatanghaling kampeon sa nasabing event base sa desisyon ng Little League Philippines.
Nagawang biguin ng Northern Mindanao ang Central Luzon, 16-6, para iuwi ang ginto sa torneo na itinakda ng Little League Philippines bilang qualifier nito sa Intermediate 50/70 Baseball Asia-Pacific tournament na gaganapin sa South Korea.
Makakatapat ng Northern Mindanao ang mga tinanghal na kapwa national champion sa buong rehiyon upang paglabanan ang silya sa World Series para sa 13-under category.
Nauna nang tinalo ng Northern Mindanao ang Eastern Visayas, 4-0, Ilocos, 2-0, at Central Luzon, 2-1, sa eliminasyon bago pinalasap ng kabiguan ang Mimaropa sa quarterfinals, 11-1, at Calabarzon sa semifinals, 8-3.
Kukumpletuhin naman ng bagong kampeon sa Palaro ang mga koponan na magsisilbing representante ng bansa sa iba’t-ibang pangrehiyon na torneo. Una nang nadetermina ang anim na sasabak na koponan sa Asia-Pacific matapos ang isinagawang Philippine Series sa Dumaguete noong isang buwan.
Makakasama ng Northern Mindanao ang kasalukuyang Little League Baseball champion na Tanauan sa pagsabak sa Korea Aspac habang ang Tanauan junior league baseball team at ILLAM senior league baseball squad ay lalahok sa regionals na gaganapin naman sa Saipan.
Ang Negros Occidental Little League Softball at Senior League Softball kasama ang Tanauan junior league softball ay magtatangka naman makatuntong sa World Series sa pagsabak sa regionals sa Singapore.