2018 Palaro pinag-aagawan ng Vigan, Baguio at Palawan

PINAG-AAGAWAN ng Baguio City, Vigan City at Puerto Princesa City bilang mga bidders ang hosting ng 61st Palarong Pambansa sa taong 2018.

Tanging ang Ilocos Sur lamang ang naglagay ng kanilang pagnanais mag-host sa pinagganapan ng laro sa Antique subalit walang tinukoy ang Department of Education (DepEd) hanggang sa nagwakas kamakalawa na ika-60 edisyon ng inter-school sportsfest sa San Jose de Buenavista at iba pang bayan.
Gayunman, iniulat sa internet sites ang interes ng Baguio na kilalang City of Pines at Summer Capital ng bansa at ang The Last Premier na Palawan.

Determinado naman ang Vigan, na kinilala bilang isa sa 2015 New 7 Wonders Cities, sa pagpapaskil ng mga tarpaulin sa Binirayan Sports Complex sa San Jose de Buenavista sa kasagsagan ng mga kumpetisyon noong Abril 21-29.

Ilang beses ding nabalita sa mga lokal na pahayagan sa Bulacan ang pagnanais din nitong maging host nito ng Palaro na nagtatampok sa mga 18-and-under student-athletes ng 18 rehiyon sa bansa.

Kung matutuloy sa Bulacan, baka makipagkasundo ang provincial government at local government units ng Bocaue at Sta. Maria sa Iglesia ni Cristo na maging main venue ang Philippine Arena at Philippine Sports Stadium na kilala ring New Era University Stadium.

Samantalang kung sa Baguio ang main hub ay ang Baguio Athletic Bowl na bagong kumpuni at kung sa Palawan ay sa Puerto Princesa City Sports Complex o Ramon V. Mitra Sports Complex.

Kung manalo ang Vigan, ito ang pangatlong pagkakataon na tatayo itong punong-abala matapos ang pang-anim na taon ng Palaro noong 1953 at ika-24 edisyon noong 1973. Samantalang nag-host na rin ang Puerto Princesa noong 2008 sa 51st Palaro. Hindi pa naisasagawa ang Palaro sa Bulacan sapul nang isilang ang Palaro noong 1948.

Read more...