Bilib kay PNoy kumonti—survey

BUMABA ang bilang ng mga Pilipino na nasisiyahan sa ginagawa ng Aquino government pero nasa “very good” mark pa rin ito, ayon sa Social Weather Station.
Mula sa 57 porsyento noong Disyembre ay bumaba sa 53 porsyento ang satisfaction rating ng administrasyon sa survey noong Marso.
Ang pinakamataas na satisfaction rating ng Aquino government ay 64 porsyento na naitala noong Setyembre at Nobyembre 2010. Ang pinakamababa naman ay 44 porsyento noong Mayo 2012.
Pinakamatataas ang nakuhang satisfaction rating ng gobyerno sa pagtulong sa mga mahihirap (56 porsyento) at sumunod ang pagpapabuti ng kalagayan ng mga overseas Filipino workers (50 porsyento).
Nakakuha naman ang gobyerno ng 47 porsyento sa relasyon nito sa dayuhang bansa, 38 porsyento sa pagiging transparent, 37 porsyento sa pakikipaglaban sa teritoryo ng bansa, tig-33 porsyento sa pagkuha ng mga dayuhang mamumuhunan at paglaban sa terorismo.
Pitong porsyento lamang ang nakuha sa pagsiguro na walang pamilyang nagugutom, apat na porsyento sa pagpapababa sa presyo ng bilihin at pagsiguro na hindi sinasamantala ng mga kompanya ng langis ang pagpapataas ng presyo.
Nakakuha naman ng -26 porsyento, ang pinakamababang nakuha ng gobyerno, sa isyu ng pagbibigay ng katarungan sa mga biktima ng Maguindanao massacre.

Read more...