CHALLENGING ang bagong karakter na gagampanan ni Carmina Villaroel sa espesyal na namang episode ng Maalaala Mo Kaya tonight.
Sa murang edad, nasanay na si Clara (Carmina) nang walang ama kaya naman naging malapit siya sa isang lalaking di hamak na mas matanda kesa sa kanya, si Jun (Nonie Buencamino) na pamilyado na ring tao. Ngunit nang malaman niyang meron itong gusto sa kanya, unti-unti na siyang lumayo rito.
Upang maiwasan si Jun, nagdesisyon si Clara na lisanin ang Pilipinas at tumungo sa ibang bansa. Ngunit sa kanyang pagbabalik sa bansa makaraan ang apat na taon, hindi pa rin siya tinigilan ni Jun hanggang sa may mangyari na nga sa kanila.
Nabuntis si Clara kaya napilitan na rin siyang pumayag na maging kabit ng ama ng kanyang anak. Pilit niyang nilunok ang kahihiyan ng pagiging kabit para sa kanyang tatlong anak. Naging mahirap din para sa kanila ang magkaroon ng tahimik na pamumuhay dahil sa takot na baka iskandaluhin sila ng tunay na asawa ni Jun.
Hanggang sa dumating ang araw na hilingin ng bunso niyang anak na makilala ang kanyang mga kapatid sa ama. Hindi ito napagbigyan ni Clara ngunit napilitan din siyang makipag-usap kay Jun para bigyang katuparan ang wish ng kanyang bunso nang magkaroon ito ng cancer.
Matanggap kaya ng tunay na asawa ni Jun ang mga anak niya sa labas? Paano haharapin ni Clara ang katotohanang anumang oras ay maaari nang mawala ang kanyang bunso dahil sa cancer? Magiging happy ending ba o mauuwi sa trahedya ang kuwento ng kanyang masalimuot na buhay?
Makakasama rin sa MMK episode na ito sina Barbie Imperial bilang young Clara, Lui Villaruz as young Jun; Patricia Javier, Ruby Ruiz, Joshua Dionisio, Kokoy de Santos, Yogo Singh, CX Navarro, Jahren Estorque, Iñigo Delen, Simon Ibarra, Jai Agpangan, Melizza Jimenez at Johan Santos.
Ito’y sa direksyon ni Dado Lumibao at sa panulat nina Mae Rose Balanay at Arah Jell Badayos.