SA 20 taong pagli-lingkod ng Bantay OCW, isa sa mga natutuhan namin sa Hong Kong ay ang mahigpit na panuntunan ng mga employer doon hinggil sa isyu ng utang.
Matindi kasi ang utangan sa pagitan ng ating mga Pinay domestic helper doon at mga loan companies.
Malalaking halaga ang kanilang ipina-ngungutang at may mga idadamay pa sila.
Kakaibiganin nila ang kapwa OFW at siyang gagawin nilang “guarantor” sa kanilang mga uutangin.
Para sa mga first timer, akala naman nila, simpleng papel lamang ang pinipirmahan nila bilang “guarantor.” Napakarami na ang napahamak diyan dahil matapos takasan ng ating mga kababaihan ang kanilang pagkakautang at basta na lamang umuwi ng Pilipinas, ang kaawa-awang guarantor ang siyang inoobligang magbayad sa utang ng iba.
Nagagawa nilang lokohin at pagsamantalahan ang kanilang mga kapwa OFW upang makuha lamang ang kanilang gusto, ang makapangutang ng malaking halaga.
Minsan, hindi naman talaga sa matinding pa-ngangailangan ang dahilan ng pangungutang kundi pawang mga kapritso lamang.
May isang OFW na nagpasikat sa kanilang baryo at nag-donate ng basketball court.
Ipinangutang niya iyon at ipinaukit naman sa naturang basketbolan ang pangalan niya bilang donor.
Umutang para makapagyabang!
Ayaw na ayaw ng mga employer sa HK kung may pumupunta o tumatawag sa kanilang telepono para maningil ng pagkakautang ng ating OFW. Para sa kanila, “malas” iyon.
Kaya naman tinanggal ng kanyang employer ang isang domestic helper dahil sa galit nga nito sa paulit-ulit na pagtawag ng loan company sa kanilang bahay para makapaningil ng utang ng kanyang kasambahay.
Ayon sa report, umutang ang ating kababayan ng 5,000 HKD.
Palibhasa’y pumapalya na sa pagbabayad o di na nakakabayad, kung kaya’t inaaraw-araw na siya ng loan company na tawag sa bahay ng kanyang employer.
Sa sobrang pagkairita, sinabihan nito ang Pinay OFW na umalis na lamang at tanggal na siya sa trabaho.
Pakiramdam naman ng OFW hindi makatuwiran ang ginawang pagsibak sa kanya. Ilegal daw ang ginawang pagtanggal sa kanya kaya’t nagsumbong ito sa ATN (Assistance to Nationals) ng Konsulado ng Pilipinas sa HK.
Wala ring hawak na pasaporte ang Pinay dahil iyon ang ginamit niyang collateral upang makapangutang sa naturang loan company.
Pinagharap sa Konsulado ang OFW at kinatawan ng loan company at ipinabalik nito sa OFW ang kanyang pasaporte, kasabay na rin ng pangakong babayaran niya ang kanyang utang.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (mula Lunes hanggazng Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali) audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com