SINABI ng Palasyo na inaasahang matatalakay ang isyu ng death row convict na si Mary Jane Veloso sa bilteral meeting sa pagitan ni Pangulong Duterte at ang bumibisitang Indonesian President Joko Widodo bukas.
Nakatakda ang state visit ni Widodo sa bansa na itinaon sa pagdaraos ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit.
“The President can also be expected to discuss the situation of Filipino workers in these countries, including the case of Mary Jane Veloso,” sabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella.
Noong Miyerkules, nagpunta sa Malacanang ang nanay ni Mary Jane na si Celia Veloso, para hilingin kay Duterte na iapela ang kaso ng kanyang anak kay Widodo.
Nasintensiyahn si Mary Jane ng bitay matapos mahulihan ng heroin papasok ng Indonesia.
Kasabay nito, sinabi ni Abella na magandang opurtunidad para sa Pilipinas ang state visit ni Widodo at ni Brunei Sultan Haja Hassanal Bolkiah para mapalakas ang relasyon ng Pilipinas sa mga bansang kasapi ng ASEAN.
“President Duterte will separately discuss with Sultan Bolkiah and President Widodo issues of common concern, such as security of our sea lanes, cross-border traffic and patrol, and economic cooperation,” ayon pa kay Abella.