FEU tatangkaing makaulit kontra NU sa UAAP men’s volleyball

Laro Ngayon
(San Juan Arena)

2 p.m. FEU vs NU

PILIT na masungkit ng Far Eastern University ang silya sa kampeonato sa pagtatangka nitong makaulit ng panalo kontra sa National University sa huling labanan ng semifinal round ng UAAP Season LXXIX men’s volleyball tournament sa San Juan Arena.

Ganap na alas-2 ng hapon magsasagupa sa ikalawang sunod na pagkakataon ang may twice-to-beat incentive na Bulldogs at ang Tamaraws.
Ang mananalo sa sagupaang ito ay makakasagupa sa Finals ang Ateneo de Manila Blue Eagles na awtomatikong nakarating sa championship round matapos na mawalis nito ang lahat ng laro sa eliminasyon.

Umahon ang Tamaraws sa isang set na paghahabol upang makahirit ng importanteng 22-25, 26-24, 28-26 at 25-17 panalo at makapuwersa ng do-or-die game kontra Bulldogs.

Dalawang ulit na nabigo ang FEU kontra sa NU sa eliminasyon pero sa determinasyong ipinakita ng mga Tamaraws sa unang laro ay nabigo nito ang mas pinapaborang Bulldogs.

Kaya naman muling sasandigan ng Tamaraws ang ipinamalas na matinding paglalaro bilang isang koponan upang umasa na maisalba ang kanilang kampanya tungo sa kampeonato.

“May itinatago pa kaming huling taktika,” sabi ni FEU head coach Rey Diaz.
Sa umpisa ng step-ladder semis ay tinalo ng FEU sa tatlong set ang host na University of Sto. Tomas.

Inaasahang sasandigan ng FEU ang setter na si Ronchette Villegas na nagbigay sa FEU ng momentum sa laro sa itinala nitong 44 excellent sets na nagawa ng Tamaraws sa kabuuang 47 atake.

Gayunman, alam ni Diaz ang kalidad ng Bulldogs at inaasahan nitong maitatama ang anumang pagkakamaling nagawa sa unang laban.
Sa women’s volleyball naman ay magtatapat ang magkaribal na Ateneo at La Salle sa Finals.
—Angelito Oredo

Read more...