Tatlumpu’t-anim na jihadist, kabilang ang dalawa na mukhang banyaga, ang napatay sa 3-araw na opensibang isinagawa sa Lanao del Sur, ayon sa militar.
Sa 36, tatlo na ang narekober at dalawa sa mga ito ay tila banyaga, sabi ni Lt. Col. Jo-Ar Herrera, tagapagsalita ng Army 1st Infantry Division, nang kapanayamin sa telepono.
“Matatangos ang ilong nila and may passports kaming nakuha doon sa area. They are probably Indonesians or Malaysians, but that is still subject for validation,” aniya.
Hinahanap pa ng mga kawal ang labi ng iba pang napaulat na napatay na jihadist, o di kaya’y impormasyon na makatutulong sa pagtunton sa mga ito, ani Hererra.
Bukod sa tatlong bangkay, narekober din sa pinangyarihan ang mga improvised na bomba, gamit na panggawa ng mga ito, mga granada, cellphone, video camera, at iba pang kagamitan, aniya.
Tatlong kawal ang nasugatan sa opensiba, na isinagawa sa kampo ng Maute group sa Brgy. Gacap, Piagapo, mula Biyernes hanggang Lunes, ani Hererra.
“Nakubkob po namin ‘yung main camp ng Maute… Nandoon na po ‘yung tropa natin at nag-flag raising na kanina,” aniya.
Abu Sayyaf nandoon din, Hapilon patay na?
Bukod sa Maute group, pinaniniwalaang nagtago rin sa kampo ang mga tagasunod ni Abu Sayyaf commander Isnilon Hapilon.
“Sa report, oo meron at kung titingnan ‘nyo, historically mayroong link Abu Sayyaf at Maute. Kung maalala nyo, two months ago nandoon daw si Isnilon,” ani Hererra.
Si Hapilon ay napaulat na namatay matapos ang isang pang opensiba dalawang buwan na ang nakaraan, aniya.
“May reports lang namatay na siya, we are hoping na sana nga namatay na, but this is also still for validation,” ani Hererra.
Halos 2,000 bakwit
Samantala, inulat ng mga awtoridad na halos 2,000 katao ang nagsilikas para di maipit sa operasyon laban sa Abu Sayyaf at Maute group.
Nasa 416 pamilya o 1,828 katao ang naiulat na lumikas sa mga bayan ng Piagapo at Balindong, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang mga evacuee ay pawang mga residente ng Brgys. Gacap, Tapocan, at Tambo ng Piagapo, at Sitio Kabasaran, Brgy. Dado, Balindong, sabi ng OCD-ARMM, gamit bilang basehan ang impormasyon mula sa Lanao del Sur Provincial Social Welfare and Development Office.
Nakikisilong sila sa lumang munisipyo ng Piagapo sa Brgy. Tambo, mga evacuation center sa Brgys. Katumbacan at Radapan proper, Brgy. Dado proper, at mga kalapit na barangays kung saan sila may kamag-anak, ayon sa ulat.
Wala pang naiuulat na nasawi o nasugatan sa mga sibilyan.
Wala pang uwian
Ayon kay Hererra, di pa inirerekomenda ng militar ang pag-uwi ng mga lumikas na residente sa kanilang tahanan dahil mayroon pang clearing operation.
“Sa ngayon hindi muna kasi ongoing pa ang clearing sa area, but ‘yung affected residents naman ay inaasikaso ng local government,” aniya.
Namahagi na ang disaster risk reduction and management councils ng Lanao del Sur at Piagapo ng relief goods sa mga apektadong pamilya, ayon sa OCD-ARMM.
Simula pa noong nakaraang taon ay nagsasagawa na ang militar ng opensiba sa Maute group, isang grupo ng mga armadong nakikisimpatiya sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Nitong unang bahagi ng 2017, tinarget ng isa pang operasyon sa Lanao del Sur di lang ang Maute group, kundi pati ilang kasapi ng Abu Sayyaf, kabilang ang Basilan-based commander na si Isnilon Hapilon.
Si Hapilon, ayon sa Department of National Defense, ay nagtungo sa Lanao del Sur para magtayo ng Islamic state bilang pagsunod sa utos ng mga kasapi ng ISIS sa Gitnang Silangan.
MOST READ
LATEST STORIES