ANTIQUE — Agad na humakot ng walong gintong medalya ang 2016 double division overall champion na National Capital Region sa pamumuno ng papaangat na gymnast na si Karl Eldrew Yulo bago pa isagawa ang pagbubukas ng ika-60 edisyon ng Palarong Pambansa dito sa Binirayan Sports Complex sa San Jose de Buenavista.
Nakamit ng 9-anyos na si Yulo ang hindi nagawa ng nakakatanda nitong kapatid na ngayon ay miyembro na sa pambansang koponan na si Carlos Edriel habang nagsisimula pa lamang matapos na angkinin ang lima sa walong ginto para sa powerhouse NCR team.
Hindi lamang napanalunan ni Yulo ang unang gintong medalyang nakataya para sa 2017 Palarong Pambansa sa pagwawagi sa elementary boys men’s artistic gymnastics na ginanap sa Evelio B. Javier gymnasium kundi unang multi-medallist sa limang ginto na agad na nagpaangat sa NCR sa maagang pagkapit sa overall championship.
Nagawang magwagi ni Yulo sa floor exercise, vault at mushroom upang tuluyang mamayani sa Individual All-Around bago nito tinulungan ang NCR sa elementary team events. Ito ang unang pinakamataas niyang pagtatapos sa torneo sa kanya ring unang pagsali sa isang pambansang torneo.
“Idol ko po si kuya eh,” sabi ni Karl ukol sa kanyang tagumpay na masundan ang tinahak ng nakakatandang kapatid na si Carlos, na nagawang mapabilang sa pambansang koponan at magwagi ng mga medalya sa internasyonal na torneo na ang huli ay ang all-around junior bronze sa Mikhail Voronin Cup. Si Carlos ay kasalukuyang nagsasanay sa Japan.
Ito ang unang pagkakataon na agad naggawad ng medalya ang nag-oorganisa sa Palaro na halos dalawang araw sinimulan ang mga kompetisyon bago ang pagbubukas ng ibang sports tulad sa athletics, boxing, taekwondo, chess, basketball at volleyball na magsisimula lahat ngayong umaga.
Dinomina ni Yulo, na nasa ikaapat na grado sa Aurora Quezon Elementary School, ang apat na event sa Cluster 2 (9 years old) bago tinulungan ang mga kakampi na sina Joseph Reynado at Renz Castillo sa team event sa itinalang 92.55 puntos.
Ang kakampi nito na sina Divina Sembrano at Krystal Mae Maguidato ay nagtapos na una at ikalawa sa individual all-around event ng rhythmic gymnastics secondary girls meet upang mag-ambag ng ginto sa NCR.
Nagtulong din ang dalawa para makalikom ang NCR ng 113.26 puntos at manguna sa team event. Ikalawa ang Region 7 (Central Visayas) na may 100.38 kasunod ang Region V na may 82.9.
Inuwi rin ng NCR ang gintong medalya sa team event sa tinipon na 107.5 puntos sa elementary girls. Gayunman, hindi nito napigilan ang taga-Bacolod na si Kiana Alagaban ng Negros Region na naungusan si Breanna Labadan ng NCR para sa ginto sa mga iskor na 39.79 kontra 39.4 sa individual all around.