Beat the summer heat (kahit kapos sa budget)

bandera-3 0424

SA sobrang init, pagpapawisan talaga kahit na ang iyong singit.

At dahil bakasyon ang eskwela kaya marami ang nag-iisip na makapagtampisaw sa swimming pool o kung can afford sa beach.

Pero aminin natin na hindi naman lahat ay may budget para makapag-swimming. Hindi lahat ay may extra na pera lalo at kailangang magtipid para magkaroon ng pambayad ng matrikula.

Kaya narito ang ilan sa mga swimming pool/resort sa Metro Manila area na pwede mong puntahan nang hindi nabubutas ang iyong bulsa.

Marikina

Sa Marikina Sports Complex ay mayroong Olympic size swimming pool.

P50 lang ang entrance. Hindi rin kailangang magbayad ng cottage o kuwarto dahil walang ganoon doon. K

ung hindi ka magtatampisaw sa tubig, P10 lang ang entrance!

Ang kailangan mo lang pondohan ay ang proper swimming attire dahil hindi nila pinapayagan ang basketball shorts at iba pa na maaaring matunaw ang kulay sa tubig.

I-check lang ang schedule kung ang gusto ay night swimming.

Bukod sa life guard, marami ring professional swimmer na naroon, ang iba ay nagti-training para sa iba’t ibang swimming competition.

Makabubuti na magpa-reserve o mag-inquire kung available ang pool sa petsa na iyong tinatarget dahil baka mayroong umarkila ng buong pool para sa isang event.

Posible rin kasi na rentahan ang bahagi ng Marikina Sports Complex para sa mga event.

Ang sports complex ay matatagpuan sa kanto ng Sumulong Highway at Toyota Ave., katabi ng Marikina City Hall.

Pasay

Ayon sa Pasay City government, nagkakahalaga lamang ng P40 sa matanda, P25 sa bata at P32 sa mga senior citizens ang rate para makala-ngoy sa Pasay City Sports Complex kung ikaw ay nakatira sa Pasay.

Kung hindi naman, ang entrance ay P50 sa matanda at P35 sa bata. Mura pa rin kung ikukumpara sa mga private resort.

Matatagpuan ang sports complex sa kanto ng Derham st., at FB Harrison.

Ang pinakamababaw na lebel ng tubig ay limang talampakan.

La Mesa Eco Park

Noong 2011, binuksan ang swimming pool complex sa La Mesa Eco Park sa Greater Lagro, Quezon City.
Ang mga pool ay dagdag na atraksyon sa Eco Park na naglalayong pangalagaan ang watershed.

Olympic size ang mga swimming pool dito kaya naman hindi ka mabibitin sa paglangoy (maliban na lang kung puno ng tao).

Bukas ang pool complex alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon. Walang night swimming.

Nagkakahalaga ng P80 ang entrance at P40 sa mga batang wala pang tatlong talampakan ang taas.

Kung may budget, maaaring rumenta ng Nipa Hut sa halagang P500. Paalala ng Eco Park walang reservation sa mga nipa hut, first come, first served lang.

Balara Filters Park

Hindi na masyadong pinupuntahan ang swimming pool ng Balara Filters Park sa Quezon City.

Sikat ito noong 1950s at dinadayo dahil sa kanilang swimming pool, picnic area at lugar para sa outdoor activities.

Naroon din ang lumang windmill at ang estatwa ng nude water bearer na si Bernardine.

Amoranto Sports Complex

Isa pang lugar sa Quezon City na maaaring puntahan para sa murang swimming ay ang Amoranto swimming pool sa Roces Avenue.

Dahil Olympic size ang pool, maraming mga swimmer ang nagsasanay dito. Ang pool ay may habang 50 metro.

Nagkakahalaga lamang ng P25 kada ulo ang entrance fee.

Kaya lang ang P25 ay para lamang sa tatlong oras na langoy— alas-9 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali at ala-1 hanggang alas-4 ng hapon. Wala silang night swimming.

Wala ring mga cottage sa lugar kaya walang kailangang bayaran. Kailangan naman na naka-swimming attire.

UP

Meron ding public swimming pool ang University of the Philippines-Diliman sa Quezon City. Pinangangasiwaan ito ng College of Human Kinetics.

Bukas ito sa publiko tuwing araw ng Linggo at holiday.

Ang pool ay may habang 50 metro kaya pwede itong gamitin para sa kompetisyon.

Matatagpuan ang pool sa tabi ng UP Chapel.

Nagkakahalaga ng P150 ang bayad para makapag-swimming. Para sa mga interesado maaaring magbayad sa CHK office na nasa ikalawang palapag ng CHK building sa tabi ng Gymnasium.

Rizal Memorial Sports Complex
Nasa Vito Cruz, Malate sa Maynila naman ang Rizal Memorial Sports Complex na pinangangasiwaan ng Philippine Sports Commission.

Pwedeng rentahan ang swimming pool area ng P20,000 kung pribadong kompanya at P15,000 naman kapag ahensya ng gobyerno. Kung public school ay P10,000 ang upa para sa a-nim na oras.

Siyempre pwede naman na hindi solohin ang buong lugar.

Ang entrance ng matatanda ay P60 at sa mga estudyante ay discounted na P45.
PhilSports Complex

May 10 lane ang Olympic size na swimming pool sa PhilSports Complex o Ultra sa Pasig City.

Sa halagang P60 ay maaari ka nang mag-swimming ng apat na oras.

Ang umagang session ay alas-8 hanggang alas-11:30. Ang next batch naman ay ala-1 hanggang alas-4:30 ng hapon.

Wala rin ditong marerentahang cottage kaya walang kailangang bayaran. Iwanan lamang ang mga gamit sa bleacher.

Paalala naman ng nakausap ng BANDERA, magsuot ng tamang swimming attire.

RAVE

Sa Legaspi Ave., Maybunga, Pasig matatagpuan ang Pasig City Rainfo-rest Park o mas kilala sa tawag na RAVE as in Rainforest Adventure Experience.

Ito ay mayroong dalawang adult swimming pool, dalawang kiddie pool at isang mini Olympic-sized pool.

Meron silang Rapid Ride na nagkakahalaga ng P50 sa mga matanda at P30 sa mga apat na talampakan pababa.

Kung rerenta ng Waterpark Pavilion, ang presyo ay P2,000 sa unang tatlong oras at P500 sa mga susunod na oras.

Ang mga cottage naman ay nagkakahalaga ng P500. Ang mesa na may apat na upuan ay P100 at ang Umbrella na may apat na upuan ay P200.

Para sa mga taga-Pasig, ang entrance fee ay P100 sa mga matatanda, at P50 sa mga bata na ang taas ay tatlong talampakan pababa. Kapag dayo, ang entrance ay P150 sa matanda at P100 sa bata.

Kailangan naman na naka-proper swimming attire kapag lalangoy.

Kung walang dala, marami namang ibang pwedeng gawin sa park dahil mayroong ibang activity sa ibang bahagi nito gaya ng zoo.

Makati

Acronym pa lang MASA— Makati Aqua Sports Arena— mukhang mura na.

Mayroong walong lane ang 50-meter swimming pool na ito sa Makati City kaya marami ang dumarayo rito para magsanay.

Kapag nababanggit ang Makati, ang isa sa unang pumapasok sa isip natin ay mahal.

Pero ang entrance dito ay P150 kada ulo. Bukas ito ng alaa-8 ng umaga hanggang 12 ng tanghali at ala-1 ng hapon hanggang alas-4 ng hapon.

Kung residente ka ng Makati, ang babayaran mo lang ay P50.

Dati ay puwedeng mag-swimming hanggang 8 ng gabi kaya lang mayroong mga pagkakataon na ginagamit ang pool sa pagsasanay ng swimming team kapag gabi.

Philippine Army Wellness Center

Sa Lawton Ave., Fort Bonifacio sa Taguig matatagpuan ang Philippine Army Wellness Center. Malapit ito sa Philippine Army Gym.

Isa itong Olympic-sized pool at may lalim na apat hanggang anim na talampakan.

Nagkakahalaga ng P100 ang entrance dito. May marerentahan din na cottage sa halagang P100.
Mayroon din silang limited night swimming na hanggang alas-10 ng gabi. Ang presyo ng night swimming ay P125.

AFPCOC

Ang AFP-Commissioned Officers Club Swimming pool ay may habang 25 meters kaya pwede dito ang lap swimming.

Matatagpuan ito sa Camp Emilio Aguinaldo sa Quezon City.

Nagkakahalaga ng P50 ang entrance fee rito.

Read more...