Muros-Posadas napiling Palarong Pambansa Lifetime Achievement Awardee

AGAD tumulo ang luha bago ibinahagi ni Elma Muros-Posadas ang karangalan bilang unang nakatanggap ng Palarong Pambansa Lifetime Achievement Award sa kakampi sa Gintong Alay at orihinal na produkto ng host province na paggaganapan ng Palaro na San Jose de Buenavista, Antique.

Napaiyak si Muros-Posadas nang malaman mismo kay Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Tonisito Umali ang pagkakahirang dito sa presthiyosong karangalan at agad nitong isinali ang kanyang kakampi at kapwa tubong-Antique na si Dorie Cortejo.

“Gusto ko po na i-share ang karangalan na ito kay Dorie Cortejo, na naging SEA Games silver at bronze medalist sa discus throw noong panahon naman sa Gintong Alay dahil siya po ang original na produkto at talagang homegrown na talento ng Antique,” sabi ni Muros-Posadas.

Si Muros-Posadas, na lumahok sa Palaro simula 1980 hanggang 1984, ay nagtapos sa Roosevelt College of Rizal sa pamamagitan ng sports scholarship na naging daan nito upang maging natatanging atleta sa bansa na nagwagi ng 15 gintong medalya sa Southeast Asian Games sa sport na athletics.

Naglaro si Elma noong Palaro 1980-81 sa Tuguegarao, Cagayan kung saan ito nag-uwi ng ginto sa long jump at centerpiece event na 100m at 200m race pati na rin noong Palaro 1981-82 sa Tacloban, Leyte kung saan muli itong nagwagi ng ginto sa long jump habang tinalo ang nananatiling Asian Games record holder na si Lydia De Vega sa 100m.

“Isa pa itong malaking karangalan sa aming mga coaches na tanging sa ganitong paraan na lamang po nakikilala sa aming mga naging paghihirap sa pagtulong sa mga atleta, pagdidiskubre, pagtuturo at pagbibigay direksiyon sa mga kabataan kung paano umunlad sa pamamagitan ng sports,” sabi ni Muros-Posadas, na inirepresenta rin ang Pilipinas noong 1984 Los Angeles at 1996 Atlanta Olympics.

Ilan lamang sa mga atletang nadiskubre ni Elma kasama ang asawa nitong si Jojo Posadas ay ang SEA Games long jump record holder at 3-time Olympian na si Marestella Torres at ang kasalukuyang world standard na long jumper na si Harry Diones.

Ilan sa mga pinagpilian sa karangalan ay sina Palaro basketball champs Avelino “Samboy” Lim, Jr., Danilo “Danny” Ildefonso, Senador Joel Villanueva at Marlou Aquino; track and field medalist Lydia “Diay” de Vega-Mercado, Nenette Galaritta-Lusterio at Patrick Unso; Wesley So sa chess; Dyan Castillejo-Garcia sa lawn tennis, boxer Mark Anthony Barriga; swimmers Joseph Eric Buhain at Enchong Dee at Azkal member at football player na si Emelio Caligdong.

Huling nagwagi ng gintong medalya si Muros-Posadas sa kanyang pagbabalik atleta sa paglahok sa Kuala Lumpur SEA Games sa heptathlon noong 2001.

Read more...