UAAP women’s volleyball Finals slot tutumbukin ng DLSU Lady Spikers

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4 p.m. DLSU vs UST
(women’s semis)

OKUPAHAN ang una sa natatanging dalawang silya sa kampeonato ang hangad ngayon ng nagtatanggol na kampeong De La Salle University (DLSU) Lady Spikers sa pagsagupa nito sa mapanganib na University of Santo Tomas (UST) Tigresses sa una sa knockout semifinals ng UAAP Season 79 women’s volleyball sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Magsasagupa ganap na alas-4 ng hapon ang pilit na hihirit ng matira-matibay na laro na UST Tigresses at ang may twice-to-beat advantage at naghahangad sa ikalawang sunod na titulo na DLSU Lady Spikers.

Dinomina ng Lady Spikers, na hangad ang kabuuang ikasiyam na korona, sa kanilang buong paghaharap ang Golden Tigresses matapos na magwagi sa kanilang dalawang laban sa eliminasyon bagaman hindi nagkukumpiyansa si DLSU coach Ramil De Jesus sa krusyal na labanan lalo na sa papaangat na laro ng UST.

“Doon na mag-start ang totoong labanan. Doon pa lang, huwag nang magpapatalo,” sabi ni Jesus, na muling sasandigan ang ekspiriyensa ng Lady Spikers kontra sa pumangatlong puwesto na Tigresses, na nakabalik sa Final Four matapos ang apat na taong pagkawala.

Nakatakda naman magsagupa bukas sa isa pang pares ng sagupaan sa Final Four ang top seed na Ateneo de Manila University at No. 4 seed na Far Eastern University na gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Isang panalo lamang ang kailangan ng Lady Spikers at Lady Eagles upang muling mapuwersa ang salpukan para sa titulo sa pagitan ng pinakamatinding magkaribal sa koponan sa collegiate league sa Abril 29.

Bagaman nagsipagtapos sina Ara Galang at Mika Reyes ay nagawa pa rin ng La Salle na malampasan ang hamon matapos nitong tapusin ang eliminasyon sa ikalawang puwesto sa 11 panalo at tatlong talo, na kung saan dalawa ay mula sa karibal na Ateneo.

Optimistiko naman si UST coach Kungfu Reyes na maipagpapatuloy nito ang pagtatala ng mahusay na paglalaro sa kasaysayan sa pagtapos sa ikatlong puwesto sa 9-5 kartada upang agawan ng puwesto sa semifinals ang University of the Philippines (UP) at National University (NU).

“Next step na kami. Hindi lang kami magse-settle sa Final Four. Mangangarap na kami ng sobra-sobra. Io-overachieve na namin kung ano ‘yung narating namin ngayon,” sabi lamang ni Reyes. “We came from sixth place last year, na-double namin yung paghihirap namin and this is our result for now.”

Read more...