Transport execs hayahay ang buhay noong Holy Week

NASAAN ang mga Transport officials nung Holy Week?

Taliwas sa naging pagyayabang ng Department of Transportation, parusa pa rin ang biyahe palabas ng Kalakhang Maynila noong nakaraang Holy Week.

Ito ay dahil sa barado pa rin ang mga expressway palabas ng Metro Manila, at ang regular na isang oras na biyahe ay umabot na naman ng halos walong oras.

Ang nakakainis dito at alam naman na natin na ang problema ay ang toll gates sa bungad ng expressway na nasa bahagi ng Metro Manila.

Dito kasi nagaganap ang singilan at bayaran ng toll kaya kapag bumuhos ang daloy ng sasakyan ay nabibilaukan ang entrada sa expressway.

Hindi ko maintindihan kung bakit hindi alisin ang bayaran sa entradang malaki ang vehicular volume at ilipat ito sa exit na konti na ang sasakyan.

Ang mas masakit nito, walang makausap na opisyal ng Department of Transportation dahil nasa Europe silang lahat.

Sige na, sabihin na natin na kunyari trabaho ‘yun, pero hindi ba puwedeng ilihis ang biyahe habang Semana Santa dahil ora de peligro ito para sa mga kababayan natin na halos lahat ay bibiyahe patungong probinsiya?

Ang nakakainis, nakikita pa sa social media accounts nila yung mga biyahe at mga posing nila habang nagdurusa sa kalye ang mga taong dapat pinagsisilbihan nila.

Isipin na lang na ang biyahe patungong Olongapo last Holy Week ay inabot ng 12-oras. Biyaheng regular na nakukuha ng dalawa hanggang tatlong oras.

Mano ba namang unahin sana ‘yung deklarado, regular at anticipated na problema bago takbuhin ang mga biyahe sa ibang bansa.

Kahit pakitang-gilas o pabalat-bunga man lang ba. Hindi ‘yung parang idinedeklara ninyong mas importante magpunta ng Paris kaysa asikasuhin ang hirap ng motorista sa bansa.

Para sa opinyon o komento ay sumulat lang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016 @gmail.com

Read more...