Loan Restructuring Program ng SSS samantalahin na

NALALAPIT na ang deadline ng loan penalty condonation kaya tinatawagan ng Social Security System (SSS) ang mga miyembrong may short-term loans na hindi pa nabayaran na sumailalim sa Loan Restructuring Program (LRP).

Ang LRP ay abot-kayang programa sa pagbabayad sa loans na may magaan namang kondisyon.

Higit 22,000 self-employed members ang nag-avail ng LRP na may katumbas na P105.65 milyong koleksyon.
Samantala, halos 30,000 OFW-members ang nakinabang sa programa na may kabuuang koleks-yon na P234.91 milyon.

Pinakamataas ang naprosesong LRP applications sa National Capital Region (NCR) na umabot sa 226,776 applications. Sinundan ito ng Luzon (141,224); Visayas (52,498); at Mindanao (49,126). Samantala, nakapagproseso ng 17,654 aplikasyon ang mga SSS foreign offices.

Meron pa naman oras para makapag-apply sa LRP. Sa Abril 27 pa ang tapos nito.
Layunin ng LRP na tulungan ang mga miyembrong naapektuhan ng kalamidad at nahirapang makapagbayad ng kanilang mga utang sa SSS.

Kaya nga, paalala sa mga iba pang SSS members na may mga utang na samantalahin ang pagkakataong ito bago pa magtapos ang programa at para iwas din sa abala sa last minute filing.
Kung hindi sasailalim sa programang ito iyong mga may utang sa SSS, asahan nang tataas at tataas pa ang interes nito kada buwan.
Maaaring mag-apply sa LRP ang miyembrong nakatira o nagtatrabaho sa alin mang lugar na idineklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) o ng gobyerno. Ang nasabing utang ay dapat overdue nang hindi bababa sa anim na buwan mula noong Abril 28, 2016.

Maaari rin bayaran nang buo sa loob ng 30 araw ng walang karagdagang interes o installment hanggang limang taon na may mababang interest rate na tatlong porsyento kada taon.
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.

Read more...