BILANG pakikiisa sa buwan ng graduation, isa na namang obra ng award-winning director na si Brillante Mendoza ang mapapanood sa TV5 sa darating na Sabado, April 22.
May titulong “Pagtatapos”, ito ang bagong tampok na pelikula sa Brillante Mendoza Presents na alay ng Kapatid Network sa lahat ng mga Pinoy na nakapagtapos ng kanilang pag-aaral ngayong taon.
Ang kuwento ng “Pagtatapos” ay iikot sa karakter ni Shaira Torres, isang teenager na dumaan sa masalimuot na pakikipagsapalaran sa lipunan bilang isang anak, estudyante at kabataan. Kasabay nito, pinili ni direk Dante na bigyan ng magical touch ang nasabing pelikula na nilikha talaga para sa telebisyon gamit ang kuwento ni Maria Makiling.
Sa kuwento, palaging nagpapakita si Maria Makiling kay Shaira kung kaya ito ang ginamit niyang topic sa kanyang thesis bilang isang estudyante sa Philippine High School for the Arts.
Kuwento ni direk Dante, “Siya ang nagdirek ng thesis niya, the Maria Makiling legend told through a Pangalay dance routine. Habang ginagawa niya yung thesis, matindi rin ang pinagdaraanan niya sa kanyang pamilya dahil iniwan nga siya ng kanyang nanay habang ang tatay naman niya ay naging pasaway din.”
Ito raw ang dahilan kung bakit nagpapakita kay Shaira si Maria Makiling, na ayon sa alamat ay patuloy na naghihiganti dahil sa pagkabigo sa pag-ibig.
Simple lang ang kuwento ng “Pagtatapos”, ngunit napakahalaga ng mensaheng nais nitong iparating sa bawat pamilyang Pilipino, lalo na sa mga kabataan na nagiging produkto ng broken family. Sabi nga ni direk Dante, “Sinasalamamin nito ang ilang reyalidad sa buhay ng mga kabataan at ang mahalagang papel ng mga magulang sa paghubog at paggabay sa kanila patungo sa tamang landas.”
Napanood na namin ang bagong obra ng internationally-acclaimed director sa special screening nito kamakalawa sa Director’s Club cinema ng SM Megamall at sinisiguro naming makaraming estudyante at parents ang makaka-relate sa istorya ni Shaira at ng kanyang mga “pasaway” na mga magulang na ginagampanan ng real life couple na sina Nonie Buencamino at Shamaine Centenera na wala pa ring kupas ang galing sa pag-arte.
Kaya nga umaasa sina direk Dante at TV5 president Chot Reyes na mas marami pa ang makapanood ng Brillante Mendoza Presents (tuwing Sabado, 9:30 p.m.) dahil talagang ginawa nila ito at pinaghihirapang buuin para sa lahat ng pamilyang Pinoy.
Sey pa ni direk Brillante, “With TV5’s new thrust, it’s going to be a home for independent artists and independent cinema, and I am happy to be part of it. Our goal here is to tell the Filipino story, and for this, I will, like in my films, show reality and capture life the way it is on television.”
Bukod sa “Pagtatapos”, ang iba pang pelikula na dapat n’yong abangan sa Brillante Mendoza Presents ay ang “Panata” (May 27), “Anak” (June 24), “Kadaguan” (July 29) at “Habilin” (Aug. 26).
Mapapanood naman ang mga naunang episode tulad ng “Tsinoy” at “Everlasting” sa official website ng TV5.