Patay ang isang hinihinalang kasapi ng Abu Sayyaf habang isang sundalo ang nasugatan, at 34 pa katao ang nadakip, nang magsagawa ang mga tropa ng pamahalaan ng operasyon kontra iligal na droga sa Patikul, Sulu, Miyerkules ng umaga.
Napatay si Jah Addul, isang “drug personality,” nang makipagbarilan sa mga sundalo’t pulis ang mga armadong pinaniniwalaang may kaugnayan sa illegal drug activities at Abu Sayyaf, sabi ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, direktor ng Autonomous Region in Muslim Mindanao police.
Nasugatan sa bakbakan si Cpl. Jeffrey Maramag, ng Army 45th Infantry Battalion, at 34 drug suspect ang nadakip, sabi ni Sindac sa isang text message.
Isinagawa ng iba-ibang police unit at 45th IB ang joint law enforcement operation sa Brgy. Danag dakong alas-4, sabi ni Senior Supt. Mario Buyuccan, direktor ng Sulu provincial police.
Inilunsad ang operasyon bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga, at para dakpin ang isang Namil Ahajari na wanted para sa kasong murder, ani Buyuccan.
“Upon reaching the area, the operating troops were fired upon by more or less 15 armed men believed to be drug personalities affiliated or are members of the Abu Sayyaf,” aniya.
Ang lugar na pinasok ay isang “drug den” na pinaglalagian ng mga ksapi ng Abu Sayyaf, sabi ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng AFP Joint Task Force Sulu.
“We suspect they are high on drugs,” ani Sobejana, patukoy sa mga armadong nakipagbakbakan sa mga sundalo’t pulis.
“‘Yung Abu Sayyaf talagang gumagamit sila ng drugs, kaya kung kita nyo kung pumugot sila ng ulo very inhuman, na hindi nila alam kung ano ang ginagawa nila,” aniya pa.
Tumagal nang 10 hanggang 15 minuto ang bakbakan, bago napahinto ang mga armado at nakaaresto ng mga suspek ang operating team, ani Sobejana.
Isa sa mga nadakip ay babae habang ang iba pa’y pawang mga lalaki, aniya.
Bukod sa mga naaresto, narekober ng operating team ang bangkay ni Addul, isang M16 rifle, tatlong kalibre-.45 pistola, mga hand grenade, tatlong malaking sachet ng hinihinalang shabu, at sari-saring drug paraphernalia, ani Sindac.
Dinala na ang mga nadakip sa Sulu Police Provincial Office para kilalanin at maidokumento.
Dinala naman ang sugatang sundalo sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital ng Jolo para malunasan.
MOST READ
LATEST STORIES